Archive | January, 2008

ENERGY SUMMIT O ENERGY SABIT?

Posted on 24 January 2008 by admin

PAGBEBENTA SA PAMBANSANG PATRIMONYA SA PAKETENG TUGON SA KRISIS NG MATAAS NA PRESYO NG LANGIS

Sa atas ni Gng. Gloria Arroyo, nag-organisa ng 2008 Philippine Energy Summit ang Department of Energy (DOE) sa Enero 29-31 at Pebrero 5. Inanunsyo ito ng rehimeng Arroyo pagkatapos sumambulat ang balitang pumalo sa kauna-unahang pagkakataon sa $100 kada bariles ang pandaigdigang presyo ng langis. Kinundena ng iba’t ibang sektor, kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang Energy Summit bilang pag-aaksaya ng panahon, enerhiya, at rekurso ng gobyerno kung hindi nito tutugunan ang kagyat na problema ng mamamayan sa mataas at hindi makontrol na presyo ng langis.

Nakumpirma ang sinasabi ng Bayan at mga kritiko ng rehimeng Arroyo tungkol sa Energy Summit nang pormal nang ilabas ng DOE ang mga detalye ng nasabing aktibidad. Sa temang “$100 per barrel: Crisis or opportunity”, idinisenyo ng DOE ang Energy Summit bilang pagsama-sama ng iba’t ibang stakeholder ng industriya ng enerhiya upang pabilisin ang pagdebelop sa alternatibong panggatong (fuel) bilang tugon diumano sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa daigdig. Ayon sa DOE, oportunidad at hindi krisis ang hatid ng $100 kada bariles ng langis.

Pinaiikot ng rehimeng Arroyo ang sambayanang Pilipino na ang Energy Summit ang tugon nito sa panawagan ng mamamayan na magkaroon ng makabayan at makamamamayang reporma sa mga pambansang polisiya ng gobyerno sa industriya ng langis na nagpapalala sa mataas na presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan. Kaya habang mariing tinututulan nito ang pag-alis sa 12% value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo upang kagyat na pababain ang presyo gayundin ang pagbasura sa Oil Deregulation Law (ODL) upang kontrolin ang presyo, iginigiit naman nito ang Energy Summit bilang solusyon.

Ngunit lumalabas na ang Energy Summit ay magarbong palabas ng rehimeng Arroyo sa tuloy-tuloy nitong pagbebenta sa dayuhan ng pambansang patrimonya at rekursong enerhiya ng Pilipinas. Sa partikular, bahagi ito ng mga nakalinyang programa ng Asian Development Bank (ADB) sa bansa at ito ang nagpapaliwanag sa prominenteng papel ng bangko sa Energy Summit. Pansinin ding habang hinihikayat diumano ang partisipasyon ng NGOs at people’s organizations (POs) sa tatlong araw ng pre-summit (Enero 29-31), walang inilalabas na detalye ang DOE sa kung ano ang magaganap at sinu-sino ang sangkot sa tatlong araw na sesyon (Pebrero 1-3) sa opisina ng ADB. Sa mga sesyong ito susulatin at ipipinal ang mga “napag-usapan” daw (mga mungkahi at action agenda) sa pre-summit at syang pormal na ihaharap kay Arroyo sa summit proper sa Pebrero 5.

Energy independence

Ang katotohonan, ang Energy Summit ay bahagi ng matagal nang paghahanda ng rehimeng Arroyo sa inaasahang paglaki ng pautang galing sa mga multilateral na pampinansyang institusyon sa pangunguna ng ADB sa mga susunod na taon na nakatuon sa sektor ng alternatibong panggatong o renewable energy (RE). Layunin ng mga pautang na ito na tulungan ang bansang akitin ang pagpasok ng pribado at dayuhang pamumuhunan sa enerhiya ng bansa sa ilalim ng Medium-Term Philippine Development (MTPDP) 2004-2010. Sa temang “Energy Independence”, tinutuunan ng pansin dito ang pagpapalaki ng lokal na produksyon ng petrolyo at natural gas gayundin ang pagdedebelop ng RE gaya ng geothermal, wind, hydropower, solar, biomass, at biofuels.  Sa taya ng gobyerno, aabot sa P1.42 trilyon ang kakailanganing pamumuhunan sa sektor ng enerhiya mula 2004 hanggang 2013.

Sa ilalim ng Energy Indpendence, isinusulong rehimeng Arroyo ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) o pagbebenta ng generation at transmission assets ng gobyerno sa mga lokal at dayuhang negosyo; pagpapatupad ng Biofuels Act of 2006 kunsaan ibayong kokontrolin ang mga lupaing agrikultural ng bansa ng mga dayuhang negosyante sa pakikipagsabwatan sa mga lokal na kumprador at panginoong maylupa; ang agresibong pagpapasok sa mga higanteng monopolyo kapitalista sa ekplorasyon at pagdebelop ng reserbang petrolyo at natural gas ng bansa gaya ng Malampaya, Tañon Strait, at iba pa; at ang patuloy na pagsusulong ng Renewable Energy Bill sa Kongreso upang bigyan ng fiscal incentives, preferential treatment, at iba pa ang mga negosyanteng nais mamuhunan sa RE.

Nakikipag-unahan ang rehimeng Arroyo sa iba pang atrasadong bansa sa pagpapasok ng unti-unting lumalaking dayuhang pamumuhunan sa RE. Sa byahe ni Arroyo sa Davos, Switzerland upang dumalo sa World Economic Forum (WEF) noong ikatlong linggo ng Enero 2008, nakipagpulong ito sa mga opisyal ng Aragon Financial Group (AFG), isang kumpanyang Amerikano na aktibong namumuhunan sa langis at natural gas upang ibida ang programang Energy Independence ng rehimen.

Bunga ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ng pangambang papakaunti na ang rekursong krudo ng daigdig, at kumpirmasyon ng ulat na nagaganap na ang climate change, nagiging kaakit-akit sa mga mamumuhunan ang sektor ng tinatawag na clean energy o RE. Noong 2006, halimbawa, iniulat ng United Nations Environment Programme (UNEP) na umabot sa $70.9 bilyon ang kabuuang pamumuhunang pumasok sa sektor ng RE, mas malaki nang 43% kumpara sa itinala nito noong 2005. Pinakamalaking bahagi ng nasabing pamumuhunan ang pumasok sa sub-sektor ng wind energy (38%) at sinundan ng biofuels (26%), solar (16%), biomass & waste (10%), at iba pang renewables (10%).

Papel ng mga dayuhang pampinansyang institusyon

Katuwang ng DOE sa pagdaraos ng Energy Summit ang malalaking multilateral na pampinansyang institusyon. Bukod sa ADB, katuwang din ng DOE ang World Bank, US Agency for International Development (USAID), at Japan International Cooperation Agency (JICA). Bilang mga mabisang instrumento ng imperyalismo, pinadudulas ng mga institusyong ito ang pagpasok at pandarambong ng mga dayuhang negosyo at monopolyo kapitalista sa rekurso ng mga atrasadong bansa kabilang ang mga tradisyunal na panggatong at umuusbong na RE upang patuloy na patakbuhin ang kanilang mga industriya at magkamal ng dambuhalang ganansya. Ang ADB at World Bank, halimbawa, ay mga notoryus na tagapamandila at taga-pondo ng EPIRA. Sa kabilang banda, aktibo naman ang USAID sa pagpopondo ng technical assistance programs gaya ng Philippine Energy and Environment Project upang pabilisin ang pagpapatupad ng mga reporma sa polisiya sa enerhiya ng Pilipinas.

Sa gaganaping Energy Summit, tampok ang papel ng ADB hindi lamang bilang katuwang sa programa kung hindi sa mismong pagtatakda ng direksyon nito. Katunayan, ang pinakamatataas na opisyal nito ang magbubukas ng talakayan o perspective setting sa pamamagitan ni Thomas Crouch, deputy director general ng ADB.

Mula pa noong kalagitnaan ng dekada nobenta, sinimulan nang pagtuunan ng pansin ng ADB ang ang RE sa pamamagitan ng paglulunsad ng Clean Energy and Environment Program (CE&EP).  Noong 2005, inilunsad nito ang energy efficiency initiative (EEI), bilang bahagi ng pagpapatupad ng CE&EP, na naglalayong palawakin ang pamumuhunan ng naturang bangko sa sektor ng clean energy nang $1 bilyon kada taon at pagpapabilis at pagpapalaki ng pautang sa RE sa pamamagitan ng itatayong Clean Energy Financing Partnership Facility (CEFPF). Kaugnay nito, inilunsad din ng ADB ang inisyatibang Energy for All upang mamobilisa ang pamumuhunan ng mga pampinansyang institusyon at pribadong korporasyon sa sektor ng clean energy  bukod pa sa programang Renewable Energy, Energy Efficiency, and Climate Change (REACH) na sinimulan noong 2002 na nakatuon naman sa mga reporma sa polisiya, merkado, at pagpipinansya.

Nitong Enero 22, 2008, inanunsyo na ng ADB ang Seed Capital Assistance Facility (SCAF), kung saan katuwang ng bangko ang UNEP, na popondohan ng $4.2 milyon grant mula sa Global Environment Facility (GEF). Palalakihin ng SCAF ang akses sa pinansya ng mga proyekto sa renewable energy at energy efficiency, partikular sa maagang bahagi nito. Sa pamamagitan ng SCAF, inaaasahang maaakit ang mas malalaking imbestor na mamuhunan sa renewable energy at energy efficiency sa rehiyong Asya-Pasipiko.

Batay sa ulat ng ADB, tinatayang lalago ang halaga ng mga proyektong may kinalaman sa renewable energy na pinopondohan nito mula $2.72 bilyon ngayong taon tungong $4.72 bilyon sa 2010, o paglago nang halos 74%. Noong isang taon, tinatayang umabot sa $3.51 bilyon ang kabuuang halaga ng mga kahalintulad na proyektong pinondohan ng ADB. Sa Pilipinas, nakalinyang pondohan ng ADB simula 2009 ang $200 milyon na Power Development Project para sa pagdebelop ng rekursong RE.

Ilantad at tutulan ang imperyalistang adyenda sa Energy Summit

Pilit binibihisan ng rehimeng Arroyo at mga imperyalistang patron nito ang Energy Summit ng makatarungan at makatwirang layunin gaya ng pagtugon sa krisis ng mataas na presyo ng langis sa kagyat, at sa medium- at long-term, sa pagtiyak sa seguridad sa enerhiya at pangangalaga sa kalikasan ng bansa. Dapat itong ilantad at tutulan.

Mahalagang tumbukin na ang mga suliraning gaya ng napakataas na presyo ng langis at climate change ay natural na bunga ng isang pandaigdigang pang-ekonomyang sistema ng produksyon at kalakalan na kinukontrol ng mga dambuhalang monopolyo kapitalista sa mga imperyalistang bansa. Ang walang katapusang paghahabol ng mga ito sa super-tubo ay nagpapatindi sa anarkistang produksyon at konsumo na ibayong nagpapalobo sa pangangailan sa tradiyunal na panggatong at nagpapaputok sa mga gerang agresyon. Ito ang mga kondisyong nagtutulak sa papatinding ispekuslayon sa suplay at presyo ng langis sa daigdig. Samantala, dahil hindi planado ang paglikha ng mga kalakal alinsunod sa aktwal na pangangailangan ng mga lipunan, binabaha ang daidigdig ng labis na kalakal at dumi na syang nagbubunga ng pagkawasak ng kalikasan gaya ng climate change.

Samakatwid, sa esensya, ang konsepto ng energy independence at pagdebelop sa mga katutubo (indigenous) at makakalikasang panggatong (fuel) gaya ng RE ay hindi mali. Susi ito sa pagtatayo ng isang tunay at pangmatagalang (sustainable) industriyalisasyon ng pambansang ekonomya. Ngunit hindi ito magaganap kung wala sa mapagpasya at epektibong kontrol ng mamamayang Pilipino, sa pamamagitan ng estadong tunay na kumakatawan sa kanila, ang pagdebelop at paggamit ng yamang enerhiya ng bansa. At ito mismo ang binabaluktot ng rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng Energy Independence program nito na lubhang nakasandig sa dayuhang kapital, teknolohiya, at merkado. At dahil nasa balangkas pa rin ng imperyalistang pandarambong para sa super-tubo, hindi nito binibigyang solusyon, bagkus ay ibayong pinalalala, ang suliranin ng mataas na presyo at pagkawasak ng kalikasan. Ito ang nasa ubod ng batayang posisyon ng Bayan na tanging ang ganap na pagsasabansa lamang ng industriya ng langis, kuryente, RE, at buong sektor ng enerhiya ang pangmatagalang solusyon sa pambansang seguridad sa enerhiya.

Sa kagyat, dapat igiit ang makatarungan at makatwirang panawagan ng mamamayan na ibaba ang presyo ng langis sa pamamagitan ng pag-alis sa 12% VAT sa mga produktong petrolyo. Mahigpit na katuwang nito ang pagkontrol sa presyo ng langis at pagtiyak na hindi nang-aabuso ang mga kumpanya ng langis sa pamamagitan ng pagbasura sa ODL at pagpapatupad ng epektibong regulasyon sa industriya.

Mga pinaghalawan ng batayang datos

Comments Off

Hinggil sa pagtaas ng presyo ng langis – Jan 2008

Posted on 24 January 2008 by admin

Download PowerPoint Presentation

Comments Off

New Photos

For more photos click here

--------------------------------------


If one were to believe President Noynoy Aquino, an era of peace and prosperity is dawning in M [...]

The spectacle unleashed before the public by two of the nation’s highest officials in connec [...]
Written for The Philippine Online Chronicles Prologue: President Benigno Aquino III himself was the [...]
Red-baiting on national TV last week was Akbayan Rep. Walden Bello. Lacking a solid argument to expl [...]