1. Ano ang VFA?
Ang RP-US Visiting Forces Agreement (VFA) ay isang kasunduang pang-militar sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos (US). Ito ang ginagamit na ligal na balangkas sa pagpasok-labas at pananatili ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Ito ang umiral na kasunduang militar sa pagitan ng dalawang bansa, patungkol sa “status of forces”, matapos ibasura ng Senado ng Pilipinas ang bagong tratado para sa base militar ng US. Layon nitong mapanatili ang pwersang militar ng US sa bansa kahit walang bagong tratado na nagpapahintulot ng mga base militar ng US.
Ang VFA ay binubuo ng dalawang dokumento – ang VFA 1 at ang VFA 2. Ang VFA 1 ay tungkol sa pagtrato sa mga sundalong Amerikano na nasa Pilipinas habang ang VFA 2 naman ay tungkol sa pagtrato sa mga sundalong Pilipino na nasa US.
Nagkaroon ng bisa ang VFA noong Mayo 27, 1999 matapos itong pagtibayin ng Senado ng Pilipinas. Ayon sa Konstitusyon ng Pilipinas, ang pagpasok at pananatili ng dayuhang tropa sa Pilipinas ay nangangailangan ng isang tratado na pinagtibay ng Senado. Itinuturing kung gayon ng Senado ng Pilipinas na isang tratado ang VFA.
Taliwas naman ang katayuan nito sa US, dahil hindi naman ito pinagtibay ng Senado ng US. Sinabi lang US Ambassador noon sa Pilipinas na kinikilala ng US ang VFA bilang isang tratado.
Ayon sa mga gobyerno ng Pilipinas at US, ang VFA ay implementasyon ng RP-US Mutual Defense Treaty (MDT) na pinagtibay noong 1951. Isinasaad ng MDT na magtutulungan ang US at Pilipinas kapag nagkaroon ng pag-atakeng militar mula sa ibang bansa sa teritoryo ng alinman sa US at Pilipinas.
Bahagi diumano ng pagpapatupad ng MDT at VFA ang isinasagawang taunang Balikatan Military Exercises sa pagitan ng tropang Amerikano at Pilipino (gayong wala namang panlabas na banta sa Pilipinas). Libu-libong sundalong Amerikano ang pumupunta sa Pilipinas bawat taon upang magdaos ng mga tinatawag na pagsasanay militar, magsagawa ng mga diumano misyong “humanitarian” at iba pa. Tinatayang nasa 30,000 hanggang 50,000 sundalong Amerikano na ang nakapasok sa bansa sa ilalim ng Balikatan.
Katuwang ng VFA ang iba pang kasunduang pang-militar sa pagitan ng US at Pilipinas kabilang ang 2002 Mutual Logistics Support Agreement (MLSA). Sa ilalim ng MLSA, malayang naipapasok ng US ang mga kagamitang pang-militar nito at nakakapagtayo ng mga pasilidad para diumano sa mga pagsasanay at proyekto ng Balikatan. Binuo rin ang Security Engagement Board (SEB) noong 2006 upang pangasiwaan ang diumano kooperasyong panseguridad ng US at Pilipinas. Pinatitindi ng mga kasunduang ito ang presensya at panghihimasok militar ng US sa bansa.
2. Bakit may VFA?
Ayon sa mga opisyal ng gobyerno ng US at ng Pilipinas, layunin ng VFA na pahigpitin ang relasyong pang-seguridad ng dalawang bansa. Para sa gobyerno ng Pilipinas, mahalaga ang VFA upang diumano maging modernisado ang hukbong sandatahan nito. Sa mga nakaraang taon, ginagamit na din ang “gera kontra terorismo” upang bigyang katwiran ang VFA.
Pero ang totoo, idinikta ng gobyerno ng US ang VFA sa gobyerno ng Pilipinas dahil kailangan nitong magkaroon ng kapalit sa ibinasurang 1947 Military Bases Agreement (MBA). Matatandaang bunga ng protesta ng mamamayan, tinanggihan ng Senado ng Pilipinas ang pagkakaroon ng bagong tratado sa base militar matapos mawalang bisa ang MBA noong 1991. Pinalayas ang mga permanenteng baseng militar ng US sa Subic, Clark at iba pang lugar ng bansa.
Mahalaga ang lokasyon ng Pilipinas sa istratehiyang pang-seguridad at pang-militar ng US sa rehiyong Asya Pasipiko. Kasangkapan ang VFA upang panatilihin at palakasin ang pwersang militar ng US sa rehiyon. Ipinuposisyon ng US ang tropang militar nito upang bantayan ang mga pang-ekonomikong interes ng US sa rehiyon tulad ng mga negosyong Amerikano, ruta ng kalakalan at interes ng nito sa langis at iba pang likasyaman maging ang pampulitikang interes na panatilihin ang dominanteng impluwensya nito sa rehiyon. Dahil dito, kailangan ng US ng akses para sa tropa nito sa loob ng Pilipinas. Sa halip na malakihang permanenteng baseng militar, ikinukubli ngayon ng US ang permanenteng pagbabase nito sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng VFA.
Sa ilalim ng VFA, maaaring pumunta kahit sa alin mang bahagi ng bansa ang mga diumanong “bisitang” tropang Amerikano. Ang buong Pilipinas, kung gayon, ay nagmimistulang baseng militar ng US. Bahagi ng pananatili ng mga tropang US sa bansa
ang mga itinayong permanenteng pasilidad at opisina ng mga sundalong Amerikano sa loob ng mga kampong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tinatawag nilang Cooperative Security Locations (CSL) hanggang sa mga tinatawag na Forward Operating Sites (FOS). Mayroong CSL sa Camp Aguinaldo, ang punong himpilan ng AFP; at FOS sa Camp Navarro sa Zamboanga City gayundin sa mga kampong militar sa Cotabato City at Basilan.
Ang matagalang presensya naman ng mga tropang Kano sa Sulu ay maaaring tignan na nakatali sa ginagawang oil exploration ng Exxon Mobil sa Sulu Sea. Ang Amerikanong Exxon Mobil ang tinuturing na pinakamalaking kompanya ng langis sa mundo ngayon. Sinasabi din na sa proseso ng mga high-tech na surveillance at satellite mapping na ginagawa ng mga tropang Kano, natutunton nila ang mga posibleng nakaimbak na langis, mineral at iba pang likas yaman sa teritoryo ng Pilipinas.
3. Bakit tinututulan ng mamamayan ang VFA?
Nilalabag ng VFA ang pambansang soberanya at panteritoryong integridad ng Pilipinas. Pinapahintulutan nito ang malayang labas-pasok at walang taning na pananatili ng walang hanggang bilang ng tropang Amerikano. Mula 2002, halimbawa, naka-istasyon na sa Mindanao ang mga tropang Amerikano para sa mga diumano misyong “humanitarian”, na sa aktwal ay interbensyong militar. Ang mga permanenteng pasilidad nila sa Camp Aguinaldo, Camp Navarro at iba pang kampong militar sa bansa ay patunay ding hindi lamang bumibisita ang mga sundalong Amerikano at katunayan ay permanente
nang nagbabase sa Pilipinas.
Ang US Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTFP) sa ilalim ng US Pacific Command ay nakahimpil sa loob ng Camp Navarro sa Zamboanga mula pa noong 2002. Ito ay sa kabila ng pagbabawal ng Konstitusyon sa permanenteng presensya
at base militar ng dayuhang tropa sa Pilipinas. Di maaaring basta basta pasukin ng sinumang Pilipino ang Headquarters ng JSOTFP. May sarili ding seguridad ang pasilidad nito na pinamamahalaan ng mga Amerikano habang may Pilipino ring security force. Ang pananatili ng dayuhang tropa at mga gamit militar sa isang bansa ay palantandaan na ito ay hindi tunay na malaya. (Ito ay bukod pa sa ipinagbabawal ng Konstitusyon ng Pilipinas ang dayuhang baseng militar sa loob ng bansa kung wala namang tratado.)
Tanda ito ng patuloy na dominasyon at panghihimasok ng US sa mga panloob na usapin
ng isang tinaguriang independyenteng bansa. Masahol pa sa dating MBA ang VFA dahil sa walang itong taning; mawawalang bisa lamang ang VFA kapag magbigay notisya ang isa sa magkabilang panig. Hindi rin malinaw ang maaaring gawing aktibidad ng mga tropang Amerikano sa ilalim ng VFA. Nagresulta ito sa maraming kaso ng tuwirang paglahok ng mga sundalong
Amerikano sa aktwal na mga “combat operations” ng AFP, bagay na labag sa Konstitusyon at pinanindigan ng Korte Suprema ng Pilipinas sa kasong Bayan et al vs Zamora (1999). Lumalahok ang mga tropang Amerikano sa mga combat patrol,
armadong convoy, hanggang sa pagsasagawa ng paniniktik o surveillance.
Dagdag pa, walang paraan ang gobyerno ng Pilipinas upang malaman kung sinu-sino ang mga pumapasok na tropang Amerikano sa bansa at kung gaano sila katagal mananatili dahil hindi sila obligadong kumuha ng visa. Inalis din ng kasunduan ang kapangyarihan ng Kongreso na magpataw ng buwis at hindi sinisingil ng customs duty ang mga kagamitan ng pwersang Amerikano na ipinapasok sa bansa.
Lubhang pumapabor sa mga Amerikano ang VFA. Sa ilalim ng VFA 1, halimbawa, kapag may nilabag na batas ng Pilipinas ang isang sundalong Amerikano, siya ay maaaring manatili sa “custody” o pangangalaga ng US habang nililitis ang kanyang kaso.
Kahit sinasabing nasa ilalim na ng “jurisdiction” o awtoridad ng Pilipinas ang mga Amerikano, hindi ito nangangahulugan ng “custody” sa mga sundalong lumalabag sa mga batas ng bansa. Kabaliktaran ito sa sinasabi naman ng VFA 2 na awtomatikong
ilalagay sa “custody” ng US ang isang sundalong Pilipino na lumabag sa batas ng US. Ang pagturing ng US sa VFA bilang isang simpleng kasunduang pang-ehekutibo habang itinuturing naman itong tratado ng Pilipinas ay isa pang tanda ng hindi pagiging patas ng VFA.
4. Ano ang naging epekto ng VFA sa karaniwang Pilipino?
Katulad ng panahon na may malalaking mga base militar ang US sa Subic at Clark, at marami pang mas maliliit na instilasyon sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, kaliwa’t kanang pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao ang dinaranas ng karaniwang
mamamayan sa kamay ng mga sundalong Amerikano sa ilalim ng VFA. Isa na rito ang panggagahasa ni Lance Corporal Daniel Smith sa Pilipinang nagtago sa ngalang “Nicole” noong 2005.
Nakipagsabwatan ang administrasyong Arroyo sa gobyernong US upang pagtakpan ang mga pang-aabuso sa karapatang pantao at iba pang krimen katulad ng ginawa nila kay “Nicole”. Dahil sa VFA, hindi na nailagay sa “custody” ng Pilipinas si Smith, kahit pa nga nahatulan na itong may sala sa krimen ng panggagahasa.
Nagsabwatan ang dalawang gobyerno noon nang itakas mula Makati City Jail si Smith at itago sa Embahada ng US, kung saan ito nananatili hanggang ngayon. Bagama’t nagdesisyon na ang Korte Suprema na iligal ang kaayusang ito, samu’t saring maniobra pa rin ang ginawa ng administrasyong Arroyo at US manatili lamang si Smith sa kustodiya ng US.
Dahil sa kaso ng “custody” kay Smith, tuluyang nalantad ang lubhang tagibang o dipantay ng VFA at ang pagiging papet ng rehimeng Arroyo. Binalewala nito ang papalakas na opinyong publiko kontra-VFA at ang panawagan na ibasura ang kasunduan. Upang pigilan ito, pinwersa si “Nicole” na maglabas ng panibagong affidavit na tila nagbibigay duda sa kanyang naunang testimonya na ginahasa siya ni Smith. Ang bagong affidavit ni “Nicole” ay ginawa mismo ng mga abogado ni Smith.
Marami pang kaso ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino ang kinasangkutan ng mga sundalong Amerikano. Kabilang dito ang pambubugbog kay Marcelo Batesil sa Cebu City; ang pamamaril kay Buyong-Buyong
Isnijal sa Basilan; ang pagmasaker sa tatlong sibilyang Moro sa Barangay Sipangkot, Umapoy Island, Tawi-Tawi; at ang pamamaslang kay Arsid Baharon sa Barangay San Roque, Zamboanga City. Ipinasara rin ng mga sundalong Amerikano ang Panamao District Hospital sa Panamao, Sulu noong Nobyembre 30, 2007 at binantaan pa ang mga empleyado ng ospital na babarilin sila kung hindi susunod sa utos ng mga tropang Amerikano.
Meron ding kaso na nadadamay ang mga sibilyan sa mga live-fire exercises ng mga tropang Kano, tulad ng isang babaeng nasabugan ng M-203 grenade habang sya ay naglalaba sa ilog. Noong 2008, namataang kasama ang mga tropang Kano sa isang yunit ng AFP na nagsagawa ng pagmasaker sa pitong sibilyan sa Maimbung, Sulu.
5. Ano ang ating dapat gawin?
Dapat tuluy-tuloy na labanan ng mamamayan ang VFA at ang mga aktibidad na binibigyang matwid sa ilalim nito, tulad ng tinaguriang Balikatan “joint military training exercises”. Walang ibang alternatibo kundi ang pagbabasura ng di-pantay at mapaniil na VFA, kasabay ng pagwawakas ng iba pang mga kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at US tulad ng Mutual Defense Treaty, Mutual Logistics Support Arrangement at Security Engagement Board. Ang mga kasunduang ito ay tanda ng katayuan ng Pilipinas bilang mala-kolonya ng imperyalismong US. Ang mga kasunduang ito ay nagpapanatili at nagpapalakas sa dominasyon at panghihimasok militar ng US sa Pilipinas.
Ang panawagan para ibasura ang VFA ay nakadirekta mismo sa Pangulo ng Pilipinas. Siya sa ngayon ang tanging may kapangyarihan para tuluyang ibasura ang kasunduang ito.
Kailangang ilantad at tutulan ng mamamayan ang nagaganap na mga diumano pagsasanay militar at maging ang mga diumano misyong “humanitarian” sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa ilalim ng Balikatan at iba pang “military exercises”.
Sa Bicol, kung saan magsasagawa ng diumano mga misyong ”humanitarian” tulad ng dental at medical mission ang tropang Amerikano sa Abril, dumaranas na ng pang-aabuso ang mamamayan. Napaulat ang pagpababawal ng pangingisda sa mga lugar na malapit sa mga pinagdadaungan ng mga barkong US. Noong Pebrero, namatay ang isang sanggol at malubhang nasugatan ang mga batang may edad sampung buwan hanggang siyam na taon sa isang clearing operation ng AFP bilang paghahanda sa Balikatan sa Bikol.
Sa Senado, nakahain pa rin ang petisyon ni Senador Kiko Pangilinan na nananawagan sa Malacañang na ibasura ang VFA. Sinusuportahan ito ng iba pang mambabatas kabilang sina Sen. Joker Arroyo, Chiz Escudero, Jamby Madrigal, Ping Lacson at Pia Cayetano. Isa itong mahalagang pampulitikang presyur sa rehimeng Arroyo at dapat suportahan ng mamamayan. Kailangan ding kumbinsihin ang iba pang senador na pumirma sa nasabing resolusyon at ilantad naman ang mga kakampi ng Malacañang na tumatangging pumirma. Sa kasalukuyan, nakasampa pa rin ang mga petisyon ng Bayan at iba’t ibang grupo sa
Korte Suprema upang kwestyunin ang VFA at paglabag nito sa Konstitusyon. Nakasampa rin ang isa pang petisyon na kumukwestyun sa kaduda-dudang sirkumstansya ng panibagong affidavit ni “Nicole”. Kailangang sabayan ang mga hakbang na ito sa Korte ng mas malakas, malaki at malawak na kilusang kontra-VFA upang idiin ang presyur sa rehimeng Arroyo na ibasura ang VFA.
Tulad noong 1991 nang patalsikin ang mga base militar ng US sa Pilipinas, ang mga pangmasang kilos-protesta ng ng mamamayan at nagkakaisang hanay laban sa VFA ang syang magiging mapagpasya sa pagwawakas ng VFA. Kailangang ng walang humpay na pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa upang higit na ilantad at labanan ang papalaking interbesyong militar ng US at lagutin ang tanikala ng imperyalismo sa bansa.
Inihanda ng
Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)
Abril 2009