Nakikiisa ang KAWAGIB Moro Human Rights sa mga mamamayan sa buong mundo sa paggunita ng ika-10 taon ng 9-11 World Trade Center Attack na kumitil sa halos 3,000 buhay ng sibilyan. Hangad namin ang katarungan para sa mga naging biktima ng trahedya sampung taon na ang nakalipas.
Gayunman, hindi makatarungan na ginamit ng gobyerno ng US ang trahedya ng 9-11 upang ilunsad ang gyerang agresyon laban sa Iraq at Afghanistan na sumira sa pamumuhay ng milyon-milyong mga mamamayan nito. Sa ngalan ng gyera kontra terorismo, naging ganap ang panghihimasok ng US sa mga bansang nais nitong sakupin at kontrolin. Sa Mindanao, patuloy ang panghihimasok ng Imperyalistang US. Ginagamit rin nito ang pretext ng pagtugis sa mga Abu Sayyaf upang makapaglunsad ng interbensyong militar, pseudo-humanitarian activities at pagsasanay tulad ng mga Balikatan Exercises at Balance Piston at kampanyang pasipikasyon sa mamamayan upang maisulong ang pang-ekonomiya at pang-militar na interes nito sa mayaman na lupain ng Mindanao. Ipinalaganap ng Imperyalistang US ang terrorist-hysteria, pambabansag sa mga Muslim bilang terorista at pagpapalaganap ng Islamophobia o pagkatakot sa mga mananampalatayang Islam. Lumaganap ang kultura ng diskriminasyon laban sa mga Muslim sa buong mundo o sa mga Moro sa Pilipinas. Kapag may bombang sumabog, napakabilis at napakadaling sabihin na teroristang Muslim ang may kagagawan kahit pa man wala pang masinsinang imbestigasyon, ngunit kung mapapatunayang hindi muslim ang may kagagawan, hindi siya tatawaging terorista kundi attacker lang. Kinukondena namin ang patuloy na pambibintang ng imperyalistang US at gobyerno ng Pilipinas sa mga sibilyang Moro lalo na sa Basilan na sila ay mga terorista. Ang walang habas na pang-aaresto, pagkulong at pagtortyur sa mga sibilyang Moro ay malinaw na paglabag sa karapatang-pantao. Ang Reward for Justice Program ng imperyalistang US upang mahuli ang mga miyembro ng Abu Sayyaf ay lalo pang nagpalala sa sitwasyon sa karapatang pantao. Katulad ng pahayag ni Lt. Nancy Gadian, pinagmulan lamang ito ng korapsyon sa hanay ng AFP at nanghikayat sa mga sundalo na magtuturo at arestuhin na lang kahit sino para lang may maireport at makakuha ng reward. Sa kasalukuyan ay may 31 na nakakulong sa Basilan Provincial Jail at 198 sa Camp Bagong Diwa dahil sa terrorist-tagging. Karamihan sa mga detainees ay nakakulong noon pang 2001 mula ng ideklara ni Gloria Arroyo ang State of Lawlessness sa Zamboanga Island Peninsula at dahil hanggang sa ngayon ay umiiral pa rin ang deklarasyon, patuloy pang dumarami ang mga hinuhuli. Sa Setyembre 13 ay magtatapos ang Balance Piston 11-3 sa 6th ID Camp Siongco, Maguindanao at muling magsasagawa ng protesta ang mga mamamayan sa Cotabato at Maguindanao upang irehistro ang matinding pagtutol sa panghihimasok ng US sa bansa at paglabag sa karapatang pantao. Nagreklamo na rin ang mga residente sa Awang dahil sila ay nabubulahaw ng ingay na dulot ng pagpapaputok ng mga sundalong kano at Pilipino. Nakahanda ang Kawagib na kumilos at makiisa sa sambayanang lumalaban sa gyerang pananakop ng US at magsisikap upang makamit ang katarungan para sa mga biktima. Naniniwala kami na magkakaroon lamang ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao at sa bansa kapag nalutas ang ugat ng mga problema tulad ng panlipunang inhustisya at pang-aapi sa mga Moro. Kailangang alisin na ng rehimeng US-Aquino ang State of Lawlessness, palayain ang mga detenidong Moro na biktima ng pambabansag na terorista at irespeto ang karapatan sa sariling pagpapasya ng Bangsamoro.###