Categorized | News Releases

Dalawang taon ni Aquino, walang pagbabago

Posted on 09 July 2012 by admin

Gabay sa pagtalakay ng Bagong Alyansang Makabayan

Hulyo 2012

MAHALAGANG PAALALA: Ang dokumentong ito ay reference para sa mga talakayan. Mainam na iakma ang aktwal na daloy ng talakayan batay sa antas ng pag-unawa, oras at tipo ng aktibidad ng target audience. Sikaping maging mapanlikha sa presentasyon ng mga konsepto. May kaakibat na powerpoint presentation na inilabas din ang Bayan para sa mas maayos na pagpapadaloy ng mga talakayan.

Pambungad

Naka-dalawang taon na sa poder ang rehimeng US-Aquino. Sa kabila ng mga buladas ng “pagbabago” at “daang matuwid”, walang makabuluhang pagbabago na naganap sa kalagayan ng mamamayan. Kabaligtaran, sumahol pa nga ang kahirapan, gutom, kawalan ng trabaho, kawalan ng pananagutan at pagyurak sa soberanya ng bansa. Nagpapatuloy ang panunupil at mga paglabag sa karapatang pantao. Nagiging mas garapal ang panghihimasok-militar ng US. Hindi pa rin tunay na napapanagot si Arroyo. Habang tumitindi ang paglaban ng mamamayan, nagaganap din ang papatinding bangayan ng naghaharing-uri na nagpapalala ng krisis ng naghaharing sistema.

Walang kapasidad at walang interes si Aquino para tugunan ang patung-patong na krisis na pinapasan ng mamamayang Pilipino. Sa halip, pinalalala pa niya ito sa pamamagitan ng masugid na pagpapatupad sa mga imperyalistang dikta sa ekonomya, pulitika at militar ng bansa.

Totoo bang umuunlad na ang ekonomya ng bansa?

Nitong unang kwarto ng taon, iniulat na lumago raw ang gross domestic product (GDP) nang 6.4%, lampas pa sa inaasahan. Patunay daw ito na nararamdaman na ang mga programa ng administrasyong Aquino at pinakikinabangan ng lahat ang pag-unlad ng ekonomya.

Tinatawag ni Aquino na “inclusive growth” ang paglago ng ekonomya, na siya ring tema ng kanyang Philippine Development Plan (PDP) 2011-2016. Ibig sabihin, paglago na makikinabang ang karamihan, na lilikha ng trabaho at babawas sa bilang ng mga mahirap.

Ang sinasabing paglago ay hindi bunga ng lumalakas na lokal na mga industriya at agrikultura. Ang 6.4% paglago ng GDP nitong unang kwarto ay itinulak pa rin ng sektor ng serbisyo – kasama ang mga call center – at export-oriented na light manufacturing. Labis na nakaasa pa rin ang ekonomya sa pandaigdigang merkado’t puhunan, kaya’t lubhang bulnerable ang lokal na ekonomiya sa pandaigdigang krisis. Halimbawa, nananatiling nasa matinding krisis at depresyon ang mga ekonomya ng US at Europa. Maging ang paglago ng China ay bumabagal na rin. Dahil dito, posibleng hihina ang eksport ng Pilipinas at di masusustini ang itinalang malaking GDP growth nitong maagang bahagi ng taon.

Walang plano’t walang interes ang administrasyong Aquino na magpatupad ng malalim na reporma tungo sa ekonomyang nakatatayo sa sariling paa at tumutugon sa mga batayang pangangailangan ng mamamayan. Sa kanyang PDP 2011-2016, nakatuon pa rin sa business process outsourcing (BPO), mapaminsalang pagmimina, eksport ng electronics, turismo at imprastruktura ang prayoridad ng gobyerno, alinsunod sa plano ng mga malaking lokal at dayuhang negosyo gaya ng mga kasapi ng Joint Foreign Chamber of Commerce of the Philippines (JFC).

Nilalako rin ni Aquino ang ilusyon ng pag-unlad sa ginawa nitong pangakong pagpapautang ng $1 bilyon sa International Monetary Fund (IMF) para diumano tulungang makabangon ang mga ekonomya ng Europa. Pero sa likod ng yabang na ito ang katotohanang ang Pilipinas mismo ay nananatiling lubog sa utang habang kapos na kapos ang inilalaang badyet para sa serbisyong panlipunan at mga pangangailangan ng mamamayan.

Lumikha ba ng trabaho’t kabuhayan ang diumanong pag-unlad?

Hindi. Noon ding unang kwarto ng 2012, lumobo pa ang bilang ng mga walang hanapbuhay nang lampas 4 milyon. Ayon sa sarbey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Marso 2012, umabot sa 34.4% ang walang trabaho, katumbas ng 13.8 milyong manggagawa. Noong Disyembre 2011, nasa 24% ang walang hanapbuhay, katumbas ng 9.7 milyong manggagawa. Katunayan, pinakamasahol ang krisis sa trabaho sa ilalim ni Aquino. Sa abereyds, ang unemployment rate sa unang dalawang taon ni Aquino ay nasa 26.8%, ayon pa rin sa SWS. Higit itong mas malaki kumpara sa 19.6% ni Arroyo, 9.2% ni Erap, at 10.3% ni Ramos.

Sa ilalim ni Aquino, tinatayang nasa 1.4 milyong overseas Filipino workers (OFWs) na ang lumuluwas kada taon,  indikasyon ng patuloy na paglala ng krisis sa trabaho ng bansa. Ayon naman sa National Statistics Office (NSO), mayroong 2.2 milyong OFWs ang nagtrabaho sa labas ng bansa mula Abril hanggang Setyembre 2011, mas malaki sa 2 milyon noong 2010. Batay sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), noong panahon ni Arroyo, nasa 1 milyon ang taunang deployment ng OFWs; Erap, 0.84 milyon; Ramos, 0.69 milyon; at Cory, 0.47 milyon. Ibayong pinasidhi pa ni Aquino ang programang labor export at sa nakalipas na dalawang taon ay agresibong naghahanap ng mga bagong merkado para sa mga manggagawang Pilipino. Inalis din nito ang deployment ban sa mga bansang itinuring na delikadong puntahan gaya ng Afghanistan at Iraq.

Ang lumalalang kawalan ng trabaho at lubhang pagsandig sa labor export ay bunga ng pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal nitong mga nakalipas na dekada tulad ng liberalisasyon ng iba’t ibang sektor ng ekonomya at kawalan ng tunay na repormang agraryo at programa sa pambansang industriyalisasyon.

Kapus na kapos na nga sa trabaho, nakapako pa sa sahig ang sahod. Habang napakagalante ni Aquino sa kanyang mga kamag-anak at kaibigang malaking negosyante at mga dayuhang korporasyon,binabarat naman nito ang mga manggagawa. Mahigpit nitong tinutulan ang panawagang P125 na umento sa minimum wage ng mga manggagawa. Sa halip, P30 hulugang pagtaas sa sahod ang ibinigay ng gobyerno. Di pa kuntento rito ang mga kapitalistang amo ni Aquino. Isinusulong ng Employers Confederation of the Philippines (Ecop), halimbawa, ang two-tiered wage system na lalong magpapaliit sa napakababa nang minimum wage sa bansa.

Liban sa masiglang lokal na industriya, mahalaga ang ganap at tunay na reporma sa lupa para lumikha ng maramihan at pangmatagalang kabuhayan sa bansa. Pero hindi interesado ang asenderong Pangulo rito, lalo’t ginagamit nito ang huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program Extenstion with Reforms (Carper) para linlangin ang mga magsasaka. Kalahati lang ng maliit na target na 220,000 ektarya ang naipamahagi ng gobyerno noong isang taon. Sa Hacienda Luisita, itinulak pa ni Aquino at kanyang pamilya na bayaran ng pamahalaan ang lupa ng mga Cojuangco sa mas mataas na halaga. Samantala, tuluy-tuloy ang pangangamkam ng lupa para sa proyekto ng malalaking lokal at dayuhang korporasyon gaya ng plantasyon ng biofuels, imprastruktura (hal. MRT) at iba pa.

Ano ang tunay na kalagayan ng mamamayang Pilipino kung gayon?

Hikahos, busabos at ibayong pinagsasamantalahan ang mamamayang Pilipino.

Dahil hindi lumilikha ng sapat at pangmatagalang trabaho ang ekonomya, patuloy na sumasahol ang buhay ng milyon-milyong Pilipino. Muli, sa ulat ng SWS, lumala ang kahirapan sa 55% ng bilang ng mga pamilya nitong Marso 2012 mula sa 45% noong Disyembre 2011. Katumbas ito ng karagdagang 2 milyong pamilyang naghihirap, mula 9.1 milyon paakyat sa 11.1 milyon. Bago umupo sa pwesto si Aquino, nasa 43% ang insidente ng kahirapan, ayon sa SWS. Lumampas sa 50% ang kahirapan sa apat sa huling walong kwarto at nasa pinakamataas na ngayon mula noong Setyembre 2008.

Pumalo na rin sa 23.8% ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing nakaranas sila ng gutom nitong Marso 2012, pinakamataas sa kasaysayan, ayon sa SWS. Katumbas ito ng 4.8 milyong pamilyang nagugutom, mula sa 4.5 milyon (22.5%) noong Disyembre 2011. Sa dalawang taong pamumuno ni Aquino, nasa 20.9% ng mga pamilya ang nagugutom, doble ng abereyds noong panahon ni Erap (10%) at higit na malaki kaysa kay Arroyo (14.1%).

Pinakamasahol ang kahirapan at kagutuman sa kanayunan kunsaan milyun-milyong magsasaka ang wala pa ring sariling lupang sinasaka. Sa mga nakalipas na pag-aaral ng mga ekonomista, dalawa sa bawat tatlong mahirap na Pilipino ang nakatira sa kanayunan.

Sino lang ang nakikinabang sa sinasabing pag-unlad ng ekonomya?

Mga malalaking dayuhang korporasyon at mga lokal nilang partner ang nakikinabang sa diumanong pag-unlad ng ekonomiya.

Sa halip na programa upang pasiglahin ang lokal na industriya at paunlarin ang agrikultura, patuloy na itinutulak ni Aquino ang kanyang centerpiece economic program na PPP. Ang PPP o pribatisasyon ng mahahalagang gawaing pang-ekonomya, tungkulin ng gobyerno at serbisyong panlipunan ay programang lampas dalawang dekada nang ipinatutupad sa bansa. Produkto ito ng mga pautang at imposisyon ng mga imperyalistang institusyon gaya ng International Monetary Fund (IMF), World Bank, ADB at US Agency for International Development (USAID). Di lamang imprastruktura ang nakapailalim sa PPP ni Aquino kundi maging ang sektor ng agrikultura at mga batayang serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay. Layon ng PPP ni Aquino na ibayo pang pigain ang ekonomya ng Pilipinas para sa supertubo ng mga dayuhang monopolyo at mga lokal na kasapakat nila, lalo’t batbat ng krisis ang pandaigdigang ekonomiya. Hindi pag-unlad kundi ibayong krisis at pagdurusa ang idudulot nito.

Dahil sa PPP ni Aquino, patuloy ang pagtaas ng halaga ng pamumuhay. Iginigiit ni Aquino ang pribatisasyon ng kuryente sa Mindanao gayong pinakamahal na ang singil sa kuryente ng Pilipinas sa buong Asya dahil sa Electric Power Industry Reform Act (Epira). Nakaaamba pa ang mga bagong taas-singil ng Manila Electric Co. (Meralco) at National Power Corp. (Napocor). Liban dito, nagtataasan din ang matrikula, bayarin sa ospital, singil sa tubig, toll, pamasahe ng MRT/LRT at iba pa dahil sa PPP. Nakasalang na ang mga bagong panukala ng pangkating Aquino para sa mas sistematiko’t malawakang pribatisasyon gaya ng Senate Bill (SB) 2997 sa serbisyo ng tubig at House Bill (HB) 6069 kaugnay sa corporatization ng may 26 na pampublikong ospital sa buong bansa.

Di lamang sa pagtaas ng mga bayarin inaapi ng PPP ang mga mahirap. Sa kanilang mga komunidad, libu-libong kabahayan ng mga maralita ang dinidemolis, o kaya naman ay sadyang sinusunog, upang bigyang-daan ang mga proyektong PPP ng pamahalaan at ng mga local government units (LGUs). Sa  taya ng Demolition Watch, may 16,000 pamilya na sa 20 maralitang komunidad ang naging biktima ng mararahas na demolisyon sa ilalim ni Aquino sa Metro Manila pa lamang. Sa pag-aaral naman ng Bayan-NCR, sinasabi nitong may 14 na malalaking proyektong PPP sa Metro Manila kunsaan may 1.4 milyong maralitang pamilya ang maaring maapektuhan. Kabilang dito ang mga proyektong business districts at business parks, port privatization, atbp.  NOTE: MAINAM NA MAGDAGDAG NG MGA LOKAL NA DATOS SA BAHAGING ITO.

Ngayong taon naganap ang madugong demolisyon sa Silverio Compound sa Parañaque kung saan isa ang pinatay at lampas 30 pa ang sugatan dahil sa pag-atake ng mga armadong pulis. Sa Isla Puting Bato sa Tondo, tinupok ng apoy ang kabahayan ng lampas 1,000 pamilya. Matagal nang gustong palayasin ang mga residente rito para bigyang-daan ang proyektong Manila North Harbor modernization ng tyuhin ni Aquino na si Danding Cojuangco (SMC).

Sa kanayunan, habang ibinibenta ng administrasyon ang huwad na CARPER, patuloy ang pang-aagaw sa lupa ng mga magsasaka ng mga proyektong PPP ni Aquino. Matingkad dito ang pangangamkam ng 300 ektaryang lupa sa San Jose del Monte, Bulacan para bigyang-daan ang $1.6 bilyong proyektong MRT 7 ng SMC.

Halimbawa ang PPP kung paanong ginagamit ng mga burukrata kapitalista ang estado poder para itaguyod ang lalong pagkamal ng yaman ng mga pinapaborang negosyante. Sa tinipong datos ng Ibon Foundation mula sa World Bank, ang pinakamalalaking proyektong PPP sa nakalipas na mahigit dalawang dekada (1984-2009) ay nakuha ng mga Ayala ($10.2 bilyon na kabuuang investment commitments); Lopez ($7.1 bilyon); Pangilinan ($5.3 bilyon); Razon ($3.2 bilyon); Aboitiz ($2.8 bilyon); Ang/Cojuangco ng SMC ($2.6 bilyon); at Consunji ($1.1 bilyon). Ang mga negosyanteng ito ay matagal nang alyado ng pamilyang Aquino. Syempre pa, sila-sila rin ang mga pangunahing nakapusisyon para kopongin ang kontrata ng mga bagong proyektong PPP sa ilalim ni Aquino. Kabilang dito ang ₱1.9 bilyong Daang Hari – SLEx Link Road Project (na nakuha ng mga Ayala katuwang ang isang Spanish firm) at ₱60 bilyong ekstensyon ng LRT Line 1 (na pinag-aagawan nina Ang/Cojuangco, Pangilinan, Ayala at Consunji kasama ang iba’t ibang dayuhang kumpanya).

Gumagawa ng mga bagong paraan si Aquino para lalong pruteksyunan ang tubo ng mga malaking negosyanteng ito at kanilang mga katuwang na dayuhang korporasyon. Halimbawa, may nabuo nang panukalang amyenda sa Build-Operate-Transfer (BOT) Law ang National Economic and Development Authority (Neda) para bigyan ng regulatory risk guarantee ang mga imbestor ng PPP. Sa ilalim nito, halimbawa, babayaran ng pamahalaan ang anumang pagkalugi ng mga korporasyon sakaling pigilan silang magtaas ng singil ng korte o anumang regulatory body ng pamahalaan.

Hindi nakapagtatakang patuloy ang paglobo ng kanilang yaman sa gitna ng tumitinding kahirapan, gutom at kawalang-hanapbuhay. Batay sa datos ng Forbes, dumoble ang yaman ng 40 pinakamayamang Pilipino mula $23 bilyon noong 2009 tungo sa kabuuang $47.4 bilyon nitong 2011. Kontrolado ng mga malaking negosyanteng ito ang kuryente, tubig, airport, kalsada, transportasyon, eskwelahan, ospital, at iba pa sa pamamagitan ng mga kontratang PPP. Kasama ang mga dayuhang korporasyon, pasok din sila sa industriya ng langis, pagmimina, kalakalan, agribusiness, at iba pa. Sila ang nakikinabang sa anumang diumanong “paglago” ng atrasadong ekonomya ng bansa.

Paano nililinlang ng gobyerno ang mamamayan at pinagtatakpan ang krisis?

Sa halip na pangmatagalang programang tunay na tutugon sa masidhing kahirapan, panay mapanlinlang na iskema ang ipinatutupad ni Aquino para bigyang katwiran ang pagpapatuloy ng mga kontra-mamamayang patakaran sa ekonomya. Pangunahin dito ang pinalawak na programang Conditional Cash Transfer (CCT), na pinatutunayan ng mga pag-aaral na walang epekto sa napakalalang kahirapan ng bansa.

Pero hindi ito nakapagtataka dahil wala namang ibang layunin ang CCT kundi pagtakpan ang kawalang-trabaho, kahirapan at kagutumang idinudulot ng mga kontra-mamamayang patakaran ng gobyerno at mga imperyalistang institusyon, na silang tumustustos sa CCT sa pamamagitan ng $805 milyong pautang ng World Bank at Asian Development Bank (ADB). Ginagamit din ang CCT bilang bahagi ng kontra-insurhensyang Oplan Bayanihan para palabasing tinutugunan ng pamahalaan ang kahirapan at para pahupain ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan.

Nililinlang din ng administrasyon ang mamamayan na prayoridad na raw ng pambansang badyet ang direktang pagbibigay ng serbisyo sa tao dahil ang tinutukoy lang nito ay ang lumalaking badyet para sa CCT. Nananatiling hindi sapat ang badyet para sa serbisyong panlipunan habang nililiitan pa nga ang badyet para sa mga pampublikong ospital at unibersidad na tinatarget ng PPP.

Ang totoo, nananatiling nakatuon ang malaking bahagi ng badyet ng pamahalaan para sa militar at para pambayad sa utang. Sa dalawang taon ni Aquino, nagbabayad ito ng P60.4 bilyon kada buwan para sa interes at prinsipal kumpara sa P48.2 bilyon noong panahon ni Arroyo. Pero sa kabila nito, patuloy sa paglobo ang utang ng gobyerno – mula sa P4.7 trilyon noong 2010, umaabot na ito sa halos P5.1 trilyon, pinakamataas sa kasaysayan.

Nasa 65% ng kabuuang ginastos na ng administrasyong Aquino ang napunta sa pambayad-utang. Habang pinipiga ang mamamayan ng 12% value-added tax (VAT) sa langis, kuryente, at iba pang batayang serbisyo’t produkto, hinihigop ng pambayad-utang ang kita ng pamahalaan. Katumbas ng 85% ng kita ng gobyerno ang ipinambayad-utang ng administrasyong Aquino. Sa 2012 budget ni Aquino, nasa P368.8 bilyon ang nakalaan para sa poverty reduction program ng gobyerno, kasama na ang CCT. Pero wala pa ito sa kalahati ng nakalaang P738.6 bilyon para pambayad-utang.

Nitong Hunyo, sinimulang ipatupad ang programang K+12 na dinaragdagan ng dalawang taon (at syempre, dagdag-gastos) ang pag-aaral hanggang bago maag-kolehiyo. Habang mas malaking problema ang napakalaking kakulangan sa guro, kagamitan at pasilidad, ipinipilit ang K+12 para mas maiayon ang lakas-paggawa sa pangangailangan ng malalaking korporasyon at ng dayuhang merkado.

Ano ang kabuluhan ng impeachment para kay Aquino?

Inaasahang isa ang impeachment sa ibibida ni Aquino sa kanyang SONA. Kunwari’y malaking tagumpay daw ito para sa pagpapanagot ng mga abusado. Pero ang realidad pa rin ay hindi lubos na napapanagot si Arroyo sa kanyang mas malalaking kasalanan sa bayan tulad ng paglabag sa karapatang pantao, pandarambong at malawakang dayaan sa eleksyon noong 2004. Nanganganib pang makapag-pyansa si Arroyo kung maipapakitang mahina ang ebidensya ng kasong electoral sabotage (2007) na kinakaharap nya ngayon.

Lumalabas na ang tunay na adyenda ni Aquino at ng LP sa impeachment ay makapagmaniobra para kontrolin ang Korte Suprema at makapagkonsolida ng kapangyarihan. Sa proseso, hangad din ni Aquino na mapataas ang kanyang political capital (magpa-pogi)  at maibaling ang atensyon ng publiko mula sa lumalalang krisis sa ekonomya tungo sa buladas niyang anti-GMA.

Ibayong nalantad ang kabulukan at kaipokritohan ng gobyernong Aquino nang matapos ipatanggal si Corona dahil sa hindi pagdeklara ng mga ari-arian nito, si Aquino mismo at mga alipores nya ang nagpapalusot wag lang pumirma sa anumang waiver kaugnay ng secrecy ng kanilang mga deposito sa bangko

Bantayan natin ang proeseo ng pagpili ng susunod na Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Paano pinatitindi ni Aquino ang imperyalistang panghihimasok ng US?

Ibayong tumindi ang pagyurak sa soberanya ng bansa sa ilalim ni Aquino. Sistematiko nitong binabaligtad ang makasaysayang pagpapatalsik sa base militar ng Kano noong 1991. Ngayon ay buong giliw na pinapapasok ni Aquino ang mas maraming tropang Kano at mga sasakyang pandigma ng US sa ating bansa, tungo sa mas permanenteng presensya. Tinanggap ni Aquino ang plano ng US na dagdagan ang pwersa nito sa Asya at gamiting tuntungan, lunsaran at mistulang base militar muli ang buong Pilipinas. Ibig sabihin nito ay mas madalas at mas malalaking Balikatan exercises, pagpapalawig sa mga tropang Kano sa Mindanao at mas madalas na pagdaong ng mga barkong pandigma ng US.

Nagsimula na ang pribadong US contractor (AMSEC-Huntington Ingalls) ng operasyon sa Subic para serbisyuhan ang mga barkong pandigma ng Kano na inaasahang dadalas pa ang mga pagdaong. Nag-alok na rin ang US na magpapatayo ito ng radar sa teritoryo ng Pilipinas para diumano’y bantayan ang mga karagatan. Ang radar na ito ay magsisilbing spy base ng US sa teritoryo mismo ng Pilipinas para manmanan ang South China Sea.

Kapalit nito, hibang na umaasa si Aquino na tutulungan tayo ng US para maging moderno ang AFP at para hadlangan ang mga maniobra ng China sa mga pinagtatalunang teritoryo. Ang totoo’y walang intensyon ang US na gawing ganap na moderno ang AFP dahil nais nitong manatiling atrasado at palaasa sa US ang Pilipinas (bagay na sinasamantala naman ng US para madiktahan ang gobyerno ng Pilipinas).

Hindi rin sasabak sa armadong kumptrontasyon ang US sa China sa ngayon, at lalong hindi ito kakampi sa Pilipinas sa isyu ng Panatag Shoal at Spratlys. Ang totoong hangad ng US ay samantalahin ang sigalot para maipwesto nito ang mga tropang Kano palibot ng China at para manatiling masunurin ang China sa mga pang-ekonomyang dikta ng US. Para lalong maging “katanggap-tanggap” ang presensyang militar ng US, nangako itong magdagdag ng ayudang militar sa Pilipinas, lalo na para sa programang counter-insurgency. Inaasahang aabot ng $30M ngayong taon ang ayudang militar kumpara sa $11M nung nakaraang taon.

Isa pang dapat bantayan ang poislbeng pagratsada ng PH-Australia Status of Visiting Forces Agreement  (SOVFA) na magpapahintulot na rin sa mga tropa mula Australia na magdaos ng mga pagsasanay at operasyong mliitar sa Pillipinas. Tinaguriang “junior partner” ng US sa rehiyon ang Australia kung kaya’t ang mga aksyong militar nito ay bilang suporta sa ginagawang “US rebalancing” sa rehiyon.

Tinugunan ba ni Aquino ang malalang paglabag sa karapatang pantao?

Nagpapatuloy ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Oplan Bayanihan na sumusunod sa balangaks ng Counter-Insurgency Guide ng US. Sa kabila ng 95 na kaso ng extrajudicial killing at 10 kaso ng pwersahang pagkawala na naitala ng Karapatan sa ilalim ng rehimeng US-Aquino, nananatili namang walang hustisya ang mga biktima ng rehimeng US-Arroyo. Walang balak ang administrasyon na panagutin ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sangkot sa pinakamasahol na paglabag sa karapatang pantao, noon hanggang ngayon. Wala pa ring hustisya sa kaso ng dalawang dinukot na estudyante ng University of the Philippines (UP), sa kaso ng pagdukot kay Jonas Burgos, pagpatay kay Leonard Co, at marami pang ibang biktima.  Hindi maitatanggi ni Aquino na wala ni isang opisyal militar ang napanagot sa loob ng kanyang dalawang taong panunugkulan.

Sa ngalan pa rin ng counter-insurgency, libu-libo na ang sapilitang lumikas bunga ng tumitinding militarisasyon sa kanayunan. Ang malawakang panunupil ay ginagawa sa gitna ng tumitinding anti-pyudal na pakikibaka, kasabay ang paglaban sa malalaking pagmimina sa kanayunan. Tuloy-tuloy din ang kampanya ng AFP para siraan ang mga ligal na organisasyong masa at bigyang katwiran ang kanilang atake sa mga ito. Patuloy din ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga kritiko ng rehimen. Umaabot na sa 350 ang bilang ng bilanggong pulitikal sa bansa.

Wala namang seryosong intensyon ang rehimen sa pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at maging sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Nagbabala na rin ang NDFP na posibleng ibasura na ng gobyernong Aquino ang usapang pangkapayapaan sa susunod na taon lalo’t wala itong intensyong itaguyod ang mga naunang kasunduan tulad ng Hague Joint Declaration, JASIG at CARHIHL.

Ano ang papel ng Akbayan at ng mga tradisyunal na pampulitikang partido sa mapanlinlang na rehimen?

Nagsisilbing ispesyal na ahente ng rehimeng Aquino at imperyalismo ang grupong Akbayan na ngayon ay  bahagi ng administrasyon. Marami sa kanilang opisyal ay nabigyan na ng mga pusisyon sa gobyernong Aquino. Ang Akbayan ay ginagamit ng rehimen para magpabango at makapanlinlang sa masa. Sila’y nagkukunwaring progresibo pero sa totoo’y mga reaksyunaryo. Kasama ang Akbayan sa pagbuhat ng bangko ng rehimen at sa panlilinlang ng masa sa mga issue tulad ng sigalot sa China, reporma sa lupa (CARPER), impeachment, karapatang pantao (CHR), CCT at mga anti-poverty programs (NAPC).

Sa ngayon ay nagkakandarapa na ang iba’t ibang paksyon sa pulitika sa pagpusisyon para sa eleksyong 2013, na tinitingnan ng marami bilang dry-run ng hanayan ng pwersa bago ang eleksyong 2016. Kapansin-pansin na ang mga mayor na partido o koalisyon ay pawang mga sumusuporta sa administrasyong Aquino (LP  at ang UNA ni Binay-Peping-PDP-Laban at Erap-Enrile ng PMP). Sa mga mayor na partido, walang pumupusturang tunay na oposisyon. Sila ngayon ang nagmomonopolyo ng kapangyarihang pampulitika, bagama’t may mga kontradiksyon din sila sa isa’t isa. Sa likod ng bangayan sa pulitika ang agawan nila sa kontrol sa ekonomya at akomodasyon ng mga interes ng mga naghaharing uri.

Ano ang tugon ng mamamayan sa mga pakana ni Aquino?

Mula nang maupo si Aquino, pursigido ang kilusang masa na ilantad at labanan ang kanyang rehimen. Kumikilos ang mamamayan sa iba’t ibang laragang. Naging tampok na mga pakikibaka ang pagpapanagot kay Arroyo, pamamamahagi ng lupa ng Hacienda Luisita, pagtaas ng presyo ng gasolina at pabigat na VAT, pagpapanagot sa mga paglabag sa karapatang pantao, demolisyon sa mga komunidad, dayuhang pagmimina at panghihimasok militar ng US. Naging tungtungan ang mga mahahalagang isyung bayan at pakikibakang masa para hubaran ang mapanlinlang sa rehimen. Patuloy na nalalantad ang kontra-mahirap, makadayuhan at maka-negosyong katangian ng rehimen, bagay na nagpapababa maging sa mga “approval ratings” ni Aquino sa mga survey.

Ano ang ating kagyat na panawagan?

Magsuri, mag-organisa ng sarili, at sama-samang kumilos. Ito, at hindi ang rehimeng US-Aquino, ang maaasahan ng mamamayan para sa pagbabago.

Sa darating na Hulyo 23, sa ikatlong Sona ni Aquino, dapat bumuhos ang malakas at malaking protesta ng mamamayan. Iparinig at ipakita sa rehimeng US-Aquino na hindi na tayo madadaan nito sa mga walang katuturang buladas at panahon na ng paniningil.

Singlin at itakwil ang papet, pahirap at pasistang rehimeng US-Aquino!

Magkaisa’t ipaglaban ang tunay na kalayaan at demokrasya!

0 Comments For This Post

    1 Trackbacks For This Post

    1. People’s SONA 2012 | Bagong Alyansang Makabayan Says:

      [...] Dalawang taon ni Aquino, walang pagbabago Gabay sa pagtalakay ng Bagong Alyansang Makabayan Hulyo 2012 [...]

    New Photos

    09 08 07 06 05 04 03 02

    For more photos click here

    --------------------------------------


    The period of debate on HB 4244 - AN ACT PROVIDING FOR A COMPREHENSIVE POLICY ON RESPONSIBLE P [...]

    “The new woman, the new Filipina, is first and foremost a militant…She is a woman wh [...]
    The country’s largest and most profitable firms are oblivious to the devastation being wrought by [...]
    The third State of the Nation Address (Sona) of President Benigno “Noynoy” Aquino III lasted 1 h [...]