Gabay sa pagtalakay
Inihanda ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Hunyo 2013
Panimula
Kung masusunod ang plano ng mga pribadong kumpanya sa tubig at Metropolitan Waterworks and Sewerage System – Regulatory Office (MWSS-RO), papasanin ng mga konsyumer ang panibagong pagtataas ng singil sa tubig simula sa Hulyo. Didisisyunan ng MWSS-RO sa mga susunod na linggo ang hinihinging P5.83 kada cubic meter (cu. m.) na pagtataas ng singil ng Manila Water Co. Inc. at P8.58 para naman sa Maynilad Water Services Inc. Tatamaan nito ang may 14.2 milyong kostumer ng mga pribadong kumpanya sa Metro Manila at mga karatig-lugar. Ang walang humpay na pagtaas ng singil habang marami sa ating mga kababayan, lalo na ang mga nasa mahihirap na komunidad, ang walang mahusay at maasahang serbisyo sa tubig, ang direktang epekto ng pribatisasyon ng MWSS.
Malaki rin ang pananagutan ni Pangulong Benigno Aquino III sa problemang ito ng mamamayan. Agresibo nitong itinutulak ang ibayong pribatisasyon ng serbisyo sa tubig at iba pang mahalagang imprastruktura sa ilalim ng public-private partnership (PPP). Katunayan, ang mga malaking negosyante na nagmamay-ari sa Maynilad at Manila Water ang pangunahing mga imbestor din sa iba pang proyektong PPP ni Aquino. Pawang malapit sa administrasyon at masugid na taga-suporta ng Pangulo ang grupo ni Pangilinan (Maynilad) at pamilyang Ayala (Manila Water). Kaya walang aasahan ang mamamayan kay Aquino na malinaw na pumapabor sa interes ng mga pribadong kumpanya sa tubig.
Dapat mahigpit na tutulan ang nakaambang pagtataas ng singil at patuloy na labanan ang patakarang pribatisasyon. Kailangang panagutin ang Maynilad at Manila Water, lalo na ang administrasyong Aquino sa pagpapahirap sa mamamayan.
Magkano ang itataas ng singil at bakit daw magtataas?
Humihirit ang Manila Water ng dagdag-singil na P5.83 kada cu. m. habang P8.58 naman ang hinihingi ng Maynilad. Ipapatong ang dagdag-singil na ito sa basic tariff ng mga nasabing kumpanya. Bahagi ang pagtataas ng singil ng tinatawag na “rate rebasing”. Ito ay iskemang binuo ng kontrata sa pribatisasyon – o ang Concession Agreement – na pinirmahan ng MWSS at ng mga konsesyonaryo nito – ang Maynilad at Manila Water noong 1997. Sa Concession Agreement, nakasaad na dapat dumaan sa rate rebasing ang mga konsesyonaryo kada limang taon sa buong panahon ng 40-taong kontrata (orihinal na 25 taon lang pero pinahaba pa nang 15 taon sa ilalim ng administrasyong Arroyo). Sa rate rebasing, magkasamang nirerepaso ng MWSS-RO at mga konsesyonaryo ang performance ng huli sa nakalipas na limang taon at ang kanilang business plan sa susunod na limang taon. Ito ang magiging basehan ng bagong singil sa tubig. Ang rate rebasing ay isang iskema para tiyakin o garatiyahan ang tubo ng mga pribadong korporasyon sa tubig.
Malaki ang hinihinging pagtataas ng Maynilad at Manila Water sa rate rebasing. Kumpara sa kasalukuyan nilang basic tariff, nais ng Manila Water na pataasin ang kanilang singil nang 21% – mula P28.29 kada cu. m. paakyat sa P34.12. Sa kabilang banda, pinipitisyon naman ng Maynilad ang 25% na pagtataas ng basic tariff – mula P33.97 kada cu. m. paakyat sa P42.55. Pero kung tutuusin, mas malaki pa ang lalabas na rate hike at aktwal na papasanin sa huli ng mga konsyumer dahil sa iba pang bayarin na nakabatay sa basic tariff tulad ng foreign currency differential adjustment (FCDA), environmental charge at value added tax (VAT).
Halimbawa, kung ikakarga ang iba pang bayarin, lumalabas na ang itataas ng singil (all-in tariff) ng Manila Water ay P7.81 kada cu. m. (hindi lamang P5.83). Para naman sa mga kostumer ng Maynilad, taas ang singil (all-in tariff) nang P11.41 (hindi lamang P8.58). Samakatwid, ang isang ordinaryong kabahayan sa service area ng Manila Water (East zone) na kumukonsumo ng 30 cu. m. kada buwan ay maaaring tumaas ang bayarin nang hanggang P234.30; sa Maynilad naman (West zone), ito ay aabot sa P342.30.[1]
Bakit hindi makatwiran ang pagtataas ng singil?
Hindi makatarungan ang hinihinging pagtataas ng singil sa tubig. Ang napaulat na P5.38 kada cu. m. na pagtataas ng singil ng Manila Water at P8.58 naman sa Maynilad ay paniningil hindi lamang sa mga nakaraang ipinuhunan ng mga ito kundi para rin sa kanilang mga planong puhunan sa darating na limang taon. Ibig sabihin, sa bulsa ng konsyumer kukunin ang gastos sa mga proyektong hindi pa naman ipinatutupad.
Inaabuso ng ganitong sistema ang mga konsyumer lalo na sa mga pagkakataong hindi naman natutuloy ang mga planong proyekto. Halimbawa, sa dalawang nakaraang rate rebasing ng Manila Water at Maynilad noong 2003 at 2008, ipinasok sa kwenta ng singil sa tubig ang ilang proyektong paglaon ay hindi naman natuloy. Noong 2003 rate rebasing, isinama sa kwenta ang P732 milyong Wawa Dam Project; P52 milyong feasibility study ng Laiban Dam Project; at P100 milyong 300 MLD Water Supply Project sa Laguna Lake na pawang mga naisantabing proyekto. Noon namang 2008 rate rebasing, isinama sa kwenta ang mga proyektong hindi rin naipatupad tulad ng P5.4 bilyong 15 cms Angat Reliability Project; P45.3 bilyong Laiban Dam Project; at P4.13 bilyong Earthquake Contingency Project.
Dagdag pa, lampas-lampas sa 12% rate of return base (RORB), na siyang dapat ay maximum na tubo para sa mga public utilities, ang tinutubo ng Manila Water at Maynilad dahil sa kanilang napakamahal na singil. Binibigyang katwiran ito ng mga konsesyonaryo sa pagsasabing hindi naman sila public utilities kundi mga “ahente” lamang ng MWSS na siyang public utility. Pero napakaliwanag na ang gumagawa ng tungkulin ng MWSS bilang public utility, kasama na ang paniningil sa mga konsyumer, ay ang Manila Water at Maynilad. Sa taya, umaabot hanggang halos 14% ang RORB ng mga pribadong kumpanya sa tubig. Higit pa itong mataas kung tutuusin dahil isinasama ng Manila Water at Maynilad sa pagkwenta ng kanilang RORB maging ang mga dati nang ari-arian at mga nakatayong pasilidad ng MWSS.
Bakit sumirit nang husto ang singil sa ilalim ng pribatisasyon?
Sa likod ng nakaambang panibagong pagtataas ng singil ang programang pribatisasyon. Sa ilalim nito, ginawang malaking negosyo para pagtubuan ng mga malaking lokal na burgesya kumprador kasabwat ang mga dayuhang korporasyon at bangko ang serbisyo sa tubig. Isinapribado ang MWSS noong Agosto 1997 sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Ito ay direktang imposisyon ng mga dayuhang bangko tulad ng IMF-WB-ADB para buksan ang mga public utilities hindi lamang sa lokal na mamumuhunan kundi pati sa dayuhang negosyante. Para maging kaakit-akit sa investors ang pribatisasyon ng MWSS, tiniyak sa concession agreement ang pana-panahong pagtaas ng singil sa tubig at ang recovery ng mga investors sa halos lahat ng kanilang mga gastusin.
Sa simula ng bawat taon, halimbawa, awtomatiko silang nakapagtataas ng singil batay sa galaw ng consumer price index (CPI) o implasyon. Ibig sabihin, dobleng hambalos para sa konsyumer. Ang implasyon ay pagtaas ng presyo’t bayarin ng mga batayang kalakal at serbisyo (kabilang ang tubig) pero ginagamit itong dahilan para itaas pang lalo ang sinisingil ng Maynilad at Manila Water.
Samantala, sinasalo rin ng mga konsyumer ang epekto ng pagbabago-bago ng palitan ng piso at dolyar (forex) para proteksyunan ang mga pribadong kumpanya sa tubig mula sa pagkalugi sa kanilang dayuhang utang. Binabayaran ng mga konsyumer ang foreign currency differential adjustment (FCDA) na nagbabago-bago kada tatlong buwan (quarterly). Bukod pa rito ang kahalintulad na bayarin – ang currency exchange rate adjustment (CERA). Nakapako ito sa piso kada cu. m. Kaya naman kahit lumakas ang piso laban sa dolyar at bumaba ang singil dahil sa negatibong FCDA, bawing bawi pa rin ang Maynilad at Manila Water dahil sa CERA. Ayon sa mga konsesyonaryo, binabawi ng CERA ang forex losses mula sa mga utang ng MWSS bago pumasok ang mga pribadong kumpanya noong Agosto 1997. Maituturing itong double-charging. Tinatayang aabot sa P7.2 bilyon ang kinamal ng Maynilad (P3.4 bilyon) at Manila Water (P3.8 bilyon) mula sa double-charging ng CERA mula nang ito ay ipatupad.[2]
Dagdag na pasanin din ng mga konsyumer ang iba pang buwanang bayarin sa tubig gaya ng environmental charge (na katumbas ngayon ng 20% ng basic charge) at value-added tax (katumbas ng 12% ng basic charge). Ang environmental charge ay para raw sa paglilinis ng mga septic tank at iba pang gastusin sa paglilinis ng kalikasan. Isa itong kabalintunaan lalo’t mismong Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang nagsabi kamakailan na ang pangunahing lumalabag sa Clean Water Act of 2004 ay ang MWSS, Maynilad at Manila Water. Dahil ito sa kawalan o kakulangan ng mga pasilidad sa wastong koleksyon, treatment at pagtatapon ng maruming tubig na responsibilidad nito. Kumukulekta ang Maynilad ng P6.93 per cu. m. na environmental charge habang P5.64 naman ang Manila Water. Dahil sa rate rebasing, maaaring tumaas pa ang environmental charge sa P6.80 (Manila Water) hanggang P8.97 (Maynilad) per cu. m. (Tinatalakay ang VAT sa susunod na tanong)
Bukod sa implasyon at forex, mayroon ding taunang extraordinary price adjustment (EPA) kunsaan lahat ng maaaring makaapekto sa tubo ng Maynilad at Manila Water ay maaaring ipapasa sa mga konsyumer, kabilang ang pagbabago sa patakaran o batas, kalamidad, at iba pa. Subalit ang pinakamatatarik na pagtaas ng bayarin sa tubig ay nagaganap sa kada limang taon na rate rebasing na siyang isinasagawa ngayon ng MWSS-RO. Mula nang isapribado ang MWSS, lumobo na ang basic charge nang halos 585% sa Maynilad at halos 1,120% sa Manila Water. Nang magsimula ang pribatisasyon noong Agosto 1997, nasa P4.96 per cu. m. ang basic charge ng Maynilad; ngayong taon, sumampa na ito sa P29.01. Ang Manila Water naman ay nag-umpisa sa P2.32 per cu. m. at nasa P25.92 na ngayon. Ibayo pa itong lolobo sa napipintong pagtataas dahil sa rate rebasing.
Sino ang nakikinabang sa pagtataas ng singil?
Mahaba na ang karanasan ng bansa sa pribatisasyon at napakarami nang patunay sa masamang epekto nito sa masang anakpawis at maging sa ekonomya ng bansa. Tanging mga malaking negosyante at mga katambal nilang dayuhan ang nakikinabang sa pribatisasyon sa pamamagitan ng garantisadong tubo at pagtataas ng singil habang buong-buong pinapasan ng mamamayan ang pataas nang pataas na mga bayarin. Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng iba pang bilihin at serbisyo, mababang sahod at kawalan ng trabaho, ang walang humpay na pagtaas ng singil sa tubig ay nagpapalala sa kahirapang dinaranas ng milyun-milyong pamilyang Pilipino.
Masahol pa, hindi rin nangahulugan ng mas mahusay na serbisyo ang pribatisasyon. Napakarami pa ring komunidad sa Metro Manila ang walang sariling kuneksyon o kaya naman ay de-oras, sa halip na 24/7, ang suplay ng tubig. Bukod pa diyan kawalan ng malinis at ligtas na suplay ng tubig kunsaan samu’t saring sakit ang dinaranas ng mga mahirap na komunidad.
Tanging ang mga negosyanteng lokal at dayuhan na nagpapatakbo sa serbisyo ng tubig ang nakikinabang sa pagtaas ng singil dahil sa kinakamal nilang tubo. Sa unang tatlong buwan ng 2013, halimbawa, lumaki ang tubo ng Maynilad sa P1.76 bilyon mula sa P1.64 bilyon sa parehong panahon noong 2012. Bukod sa Metro Pacific Investments Corp. (MPIC) ni Manny Pangilinan (43%), hawak din ang Maynilad ng DMCI Holdings ng pamilyang Consunji (25%); ng MCNK JV Corp. (16%) na subsidyaryo ng Marubeni Corp., isang higanteng korporasyong Hapon; at ng Lyonnaise Asia Water Limited (16%), na bahagi ng Suez ng France, isa sa mga pinakamalaking kumpanya sa tubig sa buong mundo. Samantala, nagtala naman ng P1.33 bilyong tubo ang Manila Water sa unang tatlong buwan ng taon, halos katulad din ng tinubo nito (P1.34 bilyon) sa parehong panahon noong 2012. Hawak ng Ayala Corporation (43%) ang Manila Water kasama ang Mitsubishi Corp. (8%), dambuhalang korporasyong Hapon; International Finance Corp. (6%), ang investment arm ng World Bank; First State Investments ng UK (10%); at Philwater Holdings Co. Inc. (33%), isang korporasyong pag-aari rin ng Ayala Corp. (60%) at United Utilities (40%) ng UK.
Ano ang pananagutan ng administrasyong Aquino?
Kahit hindi ang administrasyong Aquino ang orihinal na nagpatupad ng pribatisasyon ng MWSS, ipinagpatuloy naman nito ang programang pribatisasyon sa kabila ng masamang epekto nito sa taumbayan. Katunayan, pangunahing programa sa ekonomya ni Aquino ang pribatisasyon o ang tinatawag nitong public-private partnership (PPP). Kabilang ang grupo nina Pangilinan at Ayala sa mga negosyong agresibong pinapasok ang PPP ng gobyerno. Nakuha na ng mga Ayala ang kauna-unahang PPP ng administrasyong Aquino – ang P1.96-bilyong Daang Hari – SLEX Link Road project. Samantala, nagtambal naman ang mga grupong Ayala at Pangilinan para sa P60-bilyong ekstensyon at pribatisasyon ng LRT 1, ang pinakamalaking proyektong PPP ng gobyerno na inaasahang matatapos ang bidding sa mga darating na buwan.
Malapit ang Pangulo sa mga negosyanteng ito. Ang pamilyang Ayala, halimbawa, ay matagal nang masugid na taga-suporta ng mga Aquino mula noon pang panahon ng namayapang dating Pangulong Cory Aquino. Di nakapagtataka na isa sa mga pinakamalapit na opisyal sa Pangulo ay si Cabinet Secretary Rene Jose Almendras (na unang itinalaga ni Aquino bilang Kalihim ng Department of Energy o DOE) na dating Presidente ng Manila Water. Samantala, itinalaga rin ni Aquino si Rogelio Singson, dating CEO ng Maynilad, bilang Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na syang nangagnasiwa sa MWSS-RO.
Tiyak na papaboran ni Aquino ang rate hike na hinihingi ng Maynilad at Manila Water para gawing mas kaakit-akit pa ang PPP sa mga negosyante at bigyan ng mas maraming pagkakataong tumubo ang grupo nina Ayala at Pangilinan. Dagdag pa dito, asahang isusulong din ng Malacañang ang mas mataas na singil dahil lalaki rin ang nakukulekta nitong VAT sa tubig. Kung matutuloy ang rate hike na hinihingi ng mga konsesyonaryo, tataas ang VAT ng Maynilad mula P5.00per cu. m. patungo sa P6.21; sa Manila Water naman ay P4.06 paakyat sa P4.90.
Ang malaking koleksyon sa buwis, kabilang ang VAT, ang pangunahing dahilan kung bakit “investment grade” na ang Pilipinas sa pamantayan ng mga credit rating agencies. Ito naman ang ipinagmamalaki ng administrasyong Aquino na indikasyon daw ng masigla at maunlad na ekonomya. Pero habang lalong pinapabigat ng VAT ang bayarin sa tubig ng mamamayan, napupunta naman ang kalakhan ng buwis sa pambayad-utang ng gobyerno at sa sistemikong kurapsyon sa burukrasya.
Paano isasagwa ang rate rebasing? Kalahok ba ang publiko sa proseso?
Ang determinasyon ng bagong singil ay hindi dumadaan sa anumang public hearing katulad nang ginagawa sa singil sa kuryente (ERC) o sa toll fees (TRB). Hindi inilalabas ang mga mahahalagang datos para makilatis natin ang mga batayan ng pagtataas. Walang anumang papel ang taongbayan sa prosesong tio. Ayon sa concession agreement, ang magananap lamang ay negosasyon sa pagitan ng MWSS-RO at mga pribadong kumpanya ng tubig. Pero nakatago ito sa publiko. Ang mga sinasabing “public consultation” ay mga pakitang-tao lamang na aktibidad para kunwari ay may kaunting partisipasyon ang publiko.
Dahil ang MWSS-RO ay tuwirang nasa ilalim ng DPWH, may ultimong pananagutan ang pangulo sa pagpapatupad ng pagtaas ng singil sa tubig. Sa katanuyan, dapat ay nasa kapangyarihan ng pangulo na pigilan ang pagtaas ng singil dahil ito ang hinihiling ng interes ng publiko. Pero dahil nga ang patakaran ng rehimeng Aquino ay tiyakin ang tubo ng mga pribadong korporasyon, at lakihan ang kolkesyon sa buwis, inaasahan nang pagtitibayin ng pangulo ang anumang pagtataas ng singil.
Ano ang ating mga tungkulin?
Kailangang salubungin ng malalakas na protesta at pagtutol ng mamamayan ang patuloy na pagtaas ng singil sa tubig. Kailangang kalampagin di lamang ang mga pribadong kumpanya saa tubig kundi lalo pa ang rehimeng Aquino na syang may hawak sa mga ahensyang nagpapatibay ng pagtaas ng singil.
Susi ang direktang pampulitikang pagkilos ng mamamayan. Ilunsad natin ang masigla’t tuluy-tuloy na pagdokumento’t pagtipon sa karanasan ng ating mga komunidad sa kawalan ng serbisyo sa tubig at ang epekto sa kanila ng mataas na bayarin. Mabisa itong gamitin upang lalo pang ilantad ang mapanlinlang na propaganda ng pribatisasyon at PPP ni Aquino. Isulong natin ang masigla’t tuluy-tuloy na propaganda-edukasyon sa mga komunidad upang maging matibay na tuntungan ito ng ating mga pagkilos laban sa mataas na singil sa tubig at pribatisasyon.
Upang higit na maging mabisa ang kampanya laban sa pagtaas ng singil sa tubig, kailangang epektibo’t mahusay nating maiugnay ito sa mga pakikibaka laban sa pagtaas ng singil at pribatisasyon ng kuryente at mga proyektong PPP ni Aquino gaya ng pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center at iba pang pampublikong ospital, ng LRT 1 at iba pang sistemang mass transportation, ng mga dam sa Mindanao at water districts sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at iba pa. Dapat mabisa ring mailantad ang kabulukan at anti-mamamayang katangian ng mapagpanggap na administrasyong Aquino na nakikipagsabwatan sa mga burgesya kumprador, dayuhang negosyo’t bangko sa pagpapahirap sa mamamayan.
Tutulan ang pagtaas ng singil sa tubig!
Ibasura ang patakarang pribatisasyon! Ibasura ang pribatisasyon ng MWSS!
Labanan ang programang PPP ni Aquino! Serbisyo, hindi negosyo!
Huwag ibenta ang patrimonya ng bansa sa mga kumprador at dayuhang negosyo!
[1] Nang isapribado ang MWSS noong 1997, hinati ang service area nito sa East zone at West zone. Hawak ng Manila Water ang
East zone kunsaan kabilang ang Quezon City at Makati, timog-silangang bahagi ng Maynila, Taguig, Pateros, Marikina, Pasig, San Juan, Mandaluyong at ang probinsya ng Rizal. Ang
West zone naman, na hawak ng Maynilad, ay sumasakop sa ilang bahagi ng Maynila at Quezon City, kanluran ng South Super Highway sa Makati, Caloocan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Valenzuela, Navotas at Malabon gayundin ang mga munisipyo ng Bacoor, Imus, Kawit, Noveleta at Rosario sa probinsya ng Cavite.
[2] Batay ito sa P1 per cu. m. na CERA multiplied by billed volume ng Maynilad at Manila Water mula 2002 (kunsaan nagsimulang maningil ng FCDA ang mga konsesyonaryo) hanggang Setyembre 2012 (na mayroong pinakahuling datos sa billed volume).