Posted on 08 March 2012 by admin
Marso 2012
Magkano na ang presyo ng langis at bakit ito tumataas?
Sa ngayon, lampas P59 kada litro na ang presyo ng gasolina habang lampas P48 naman ang diesel. Lampas P900 na ang bentahan ng liquefied petroleum gas (LPG). Wala pang dalawang buwan ngayong 2012, walong beses nang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Umaabot na sa lampas P5 kada litro ang itinaas ng presyo ng gasolina habang lampas P3 naman ang diesel simula noong Enero. Samantala, lumobo na ang presyo ng LPG nang halos P200 kada tangke. (Ang mga presyo at adjustment ay batay sa datos nitong Marso 4.)
Gaya ng dati, sinisisi ng gobyerno at ng mga kumpanya ng langis ang galaw ng presyo sa daigdig. Tumataas, halimbawa, ang presyo ng Dubai crude na lumalampas na sa $120 ngayong Marso. Ito na ang pinakamataas na presyo nito matapos pumalo sa lampas $131 kada bariles noong Hulyo 2008. Itinuturong dahilan ang tensyon sa Iran na siyang nagtutulak pataas ng pandaigdigang presyo.
May makatwiran bang basehan ang pagtaas ng presyo?
Walang basehan ang pagtaas ng presyo. Una, at pinakamahalagang punto, artipisyal na mataas ang presyo sa pandaigdigang pamilihan dahil sa dominasyon ng mga dambuhalang monopolyo sa langis. Ang mga Amerikanong kumpanyang gaya ng ExxonMobil at Chevron at mga Europeong korporasyong British Petroleum o BP (UK), Royal Dutch Shell (UK/Netherlands), at Total (France) ay kumukontrol sa buong proseso ng produksyon at distribusyon ng langis kaya’t artbitraryo nilang naitatakda ang presyo
nang lampas-lampas sa aktwal na gastos nila sa produksyon. Sa buong kasaysayan ng pandaigdigang industriya ng langis, napanatili ng mga dambuhalang monopolyong ito ang kontrol sa merkado ng petrolyo. Sila ang kartel sa langis na namamayagpag sa daigdig.
Pangalawa, walang malaking pagbabago sa gastos sa produksyon ng mga kumpanya ng langis sa daigdig na magbibigay katwiran sa pagtaas ng presyo ng krudo. Pangatlo, hindi rin pwedeng gawing palusot ang suplay at demand dahil di naman ito nagbago nang malaki at kung magkaroon man ng pagkaantala sa suplay mula sa Iran, mapupunuan naman ito ng Saudi Arabia. Ang nagaganap ay pulos ispekulasyon ng kakulangan sa suplay na humihila pataas sa presyo. Kahit ang mismong mga opisyal ng Department of Energy (DOE) ay aminadong ispekulatibo ang galaw ng presyo.
Magkano ang tayang nadaragdag sa presyo bunga ng pag-iral ng pandaigdigang monopolyo at ispekulasyon?
Hindi pa man dumarating sa bansa natin, “overpriced” na ang mga produktong petrolyo dahil sa monopoly pricing at ispekulasyon. Umaabot ito sa $67.63 hanggang $81.46 kada bariles o 62%hanggang 74% ng kasalukuyang presyo ng krudo, batay sa taya ng Bayan. Ang presyo ng Dubai crude nitong Enero 2012 ay nasa $109.54 kada bariles. Pero hindi ito ang aktwal na gastos sa produksyon upang likhain ang isang bariles ng krudo. Ayon sa US Energy Information Administration (EIA), ang finding cost o ang gastos sa eksplorasyon at pagpapaunlad ng reserbang langis sa US ay nasa $18.31 kada bariles. Mas mura ito kung sa Middle East kung saan nagmumula ang kalakhan ng inaangkat na krudo ng Pilipinas, na nasa $6.99 lamang. Ang lifting cost o ang gastos sa operasyon at pagmamantina ng mga balon ng krudo at mga kagamitan at pasilidad sa US ay nasa $8.26 kada bariles. Sa Middle East naman, ito ay nasa $5.75 lamang. Kasama rin sa gastos sa produksyon ang buwis na sinisingil ng isang gobyerno sa mga kumpanya na naghuhukay ng langis sa kanilang bansa o royalties. Sa mga bansang kasapi ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), tinatayang katumbas ito ng 14% ng spot price – na kung $109.54 ay nasa $15.34 kada bariles. Kaya kung susumahin ang finding cost ($6.99 – $18.31 kada bariles), ang lifting cost ($5.75 – $8.26), at ang royalties ($15.34), ang tinatayang kabuuang gastos kada bariles para sa Dubai crude ay nasa $28.08 hanggang $41.91 lamang. Lumalabas na ang patong at kita sa Dubai crude ay mula $67.63 hanggang $81.46 kada bariles. Kinakatawan nito ang epekto sa presyo ng ispekulasyon at monopolyo sa industriya ng langis sa daigdig.
Hindi ito malayo sa ibang pagtaya. Kung pagbabatayan, halimbawa, ang pahayag ng Saudi oil minister sa embahador ng US noong Hulyo 2008 na inilabas ng Wikileaks, nasa $40 kada bariles ang napapatong sa presyo ng krudo dahil lamang sa ispekulasyon.
Kaya naman hindi nakapagtatakang ang mga kumpanya ng langis ay kabilang sa pinakamalalaking korporasyon sa daigdig. Sa pinakahuling datos na tinipon ng magasing Fortune, ang limang pinakamalalaking korporasyon sa langis sa daigdig ay may pinagsamang deklaradong tubo na $79.89 bilyon noong 2010. Hindi pa kwentado rito ang kanilang pinipiga sa pamamagitan ng monopolyado’t ispekulatibong presyuhan. Pinakamalaki ang kinamal ng ExxonMobil na $30.46 bilyon na siya ring pinakamalaking tubo para sa LAHAT ng korporasyon sa daigdig. Sinundan ito ng Shell na nagtala naman ng $20.13 bilyon; Chevron, $19.02 bilyon; at Total, $14 bilyon. Nag-ulat ng “pagkalugi” ang BP na $3.72 bilyon pero kasinungalingan ito dahil hindi pa nga sinasalamin ng deklaradong tubo ang kinakamal ng mga dambuhalang kumpanya mula sa monopoly pricing at ispekulasyon.
Ramdam ito maging sa Pilipinas kung saan namamayagpag ang mga lokal na yunit ng pandaigdigang monopolyo at kanilang mga katuwang. Halimbawa, ang opisyal na idineklarang konsolidadong tubo ng apat na pinakamalaking kumpanya ng langis sa Pilipinas ay may kabuuang P15.75 bilyon noong 2010, ayon sa tala ng publikasyong BusinessWorld. Sa nasabing halaga, ang tinubo ng Petron ay P7.92 bilyon; Shell, P16.5 bilyon; Chevron, P3.9 bilyon; at Total, P1.03 bilyon. Bilyun-bilyon man, maliit pa nga ang deklaradong tubong ito kung tutuusin dahil hindi pa kasama ang kanilang pinipiga sa pamamagitan ng lokal na overpricing.
Paano pinapalala ng Oil Deregulation Law (ODL) ang pang-aabuso at pagsasamantala ng pandaigdigang kartel sa langis?
1. Sa ilalim ng ODL, awtomatiko ang pagbabago sa presyo. Hindi kailangang dumaan sa pormal na pampublikong pagdinig ang mga kumpanya ng langis upang bigyang-katwiran ang kanilang pagtataas ng presyo. Dahil dito, buong-buong ipinapasa ng mga kumpanya ng langis sa mga konsyumer ang di makatwirang pagtataas ng presyo sa daigdig na ibinubunga ng monopolyo at ispekulasyon.
2. Sa awtomatikong pagbabago-bago ng presyo sa ilalim ng ODL, tumataas man ito o bumababa, napakalaki ng puwang ng mga kumpanya ng langis upang magpresyo nang labis o ang tinatawag na lokal na “overpricing”. Sa simpleng pakahulugan, labis na malaki kung magtaas habang lubhang maliit naman mag-rolbak kung ibabatay sa galaw ng presyo sa pandaigdigang pamilihan. Kahit pa naglabas ang DOE ng mga mungkahing pamamaraan kung paano magkwenta ng pagbabago sa presyo, balewala rin ito dahil di naman obligadong sundin ng mga kumpanya ng langis.
Madali itong nagagawa dahil patuloy na umiiral sa ilalim ng deregulasyon ang kartel ng malalaking lokal na kumpanya ng langis na nagtatakda ng galaw ng lokal na presyo. Ang lokal na kartel gaya ng Shell, Chevron, at Total ay mga sangay lamang ng pandaigdigang monopolyo habang ang Petron ay bahagi ng kanilang network sa pagrerepina at pagtitingi (retail).
Ano ang pakinabang ng pamahalaan sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis?
Kinunkunsinti ng pamahalaan ang hindi makatwirang presyo ng langis at ang hindi maawat nitong pagtataas sa ilalim ng deregulasyon dahil nakikinabang ang mismong gobyerno sa pamamagitan ng ipinapataw nitong 12% value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo. Mas mataas ang presyo ng langis, mas mainam para sa pamahalaan dahil lumalaki ang kinukubra nitong buwis mula sa mamamayan. Halimbawa, bago magsimula ang taon, ang VAT sa diesel ay nasa P5.39 kada litro habang sa gasolina naman ay nasa P6.46. Pero dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo, nasa halos P6 kada litro na ang VAT sa diesel at lampas P7 naman sa gasolina. Ang VAT sa LPG ay halos nasa P108 kada tangke na ngayon kumpara sa P82 sa pagsisimula ng taon. Sa madaling salita, nakikinabang ang gobyerno kasabwat ang mga kumpanya ng langis sa ibayong pagpapahirap sa mamamayan. Ang masahol pa, ang kinukolektang buwis ay hindi naman ibinabalik sa taumbayan sa porma ng sapat at maasahang mga serbisyong panlipunan. Sa halip, nawawaldas lang ito sa nagpapatuloy pa ring korupsyon sa pamahalaan, sa napakalaking badyet para sa militar, at sa dambuhalang pambayad sa mga utang ng gobyerno.
Magkano ang tayang nadagdag sa presyo dahil sa lokal na “overpricing”?
May lumabas nang iba’t ibang taya sa kung magkano ang nadaragdag sa presyo sa mga gasolinahan bunga naman ng dagdag-bawas ng mga kumpanya ng langis batay sa galaw ng presyo sa pandaigdigang pamilihan. Tinatawag itong lokal na “overpricing” na dagdag pa sa nangyayaring monopoly pricing sa pandaigdigang pamilihan ng langis.
Sa taya ng Bayan, maaaring umaabot sa P8.61 kada litro para sa diesel at P16.83 naman kung sa unleaded gasoline ang naipong buwanang overpricing mula Enero 1999 hanggang Enero 2012 o ang buong panahon na ipinatutupad ang Oil Deregulation Law. Tandaang ang pagtayang ito ay nakabatay sa nakalathalang presyo ng Dubai crude na lubhang pinalobo na ng ispekulasyon at monopoly pricing. Kaya ipinapakita lang ng ganitong pagtaya na lalo pang nakakapang-abuso ang kartel sa pamamagitan ng lokal na galaw ng presyo na walang regulasyonang gobyerno. Dagdag ito sa mas dambuhalang tubo na pinipiga ng pandaigdigang monopolyo at mga bangko sa pamamagitan ng monopoly pricing at ispekulasyon.
Isa lang ito sa iba’t ibang paraan ng pagkwenta sa lokal na overpricing. Sa taya ng IBON Foundation, mas mabilis nang 20-22% ang pagtaas ng presyo sa Pilipinas kumpara sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng Dubai crude. Sa hiwalay namang taya ng noo’y pinuno ng National Economic and Development Authority (Neda) at ngayo’y Senador na si Ralph Recto, umaabot sa halos P8 kada litro ang overpricing sa mga produktong petrolyo noong 2009. (Tingnan ang Aneks para sa pamamaraan ng pagkwenta)
Ito ay iba’t ibang mga estima lamang na nagpapakita kung paano inaabuso ng kartel and batas deregulasyon. Sa ngayon ay mahirap matunton ang eksaktong kwenta na ipinapatong sa presyo ng lokal na kartel sa langis, lalo’t hindi nila isinasapubliko ang kanilang pormula sa pagkwenta ng presyo. Isa ito sa mga problemang kaakibat ng deregulasyon dahil walang obligasyon ang mga kartel na ipaliwanag ang kanilang pagtataas o kung paano nila kinukwenta ito. Ang DOE naman ay lumalabas na taga-anunsyo lang ng umento.
Ano ang kagyat na solusyon sa mataas at di makatarungang presyo ng langis?
Ibasura ang Oil Deregulation Law at isabatas ang House Bill (HB) 4355. Walang pakundangang naipapasa ng mga kumpanya ng langis ang mataas at di makatwirang presyo sa mamamayan dahil sa patuloy na pamamayagpag ng dambuhalang dayuhang monopolyo sa langis na lalong naging makapangyarihan sa ilalim ng Oil Deregulation Law. Kung gayon, ang solusyon ay wasakin ang monopolyong ito.
Kailangang magsimula sa pagbasura sa Oil Deregulation Law at palitan ito ng kumprehensibo at epektibong patakaran ng regulasyon sa kanilang operasyon sa bansa na siyang nilalaman ng HB 4355. Sa ganitong paraan, hindi na arbitraryong akakapagtaas ng presyo ang mga kumpanya ng langis at magkakaroon ng proteksyon ang mamamayan mula sa ispekulasyon at overpricing sa lokal at pandaigdigang pamilihan. Magpapataw ang HB 4355 ng pampublikong pagdinig bago ang anumang pagtataas ng presyo. Isisentro na rin sa pamahalaan ang pag-aangkat ng krudo at mga produktong petrolyo. Hindi lamang nito titiyakin na alam ng gobyerno ang presyo ng inangkat na langis kundi makapaghahanap din ng mas murang mapag-aangkatan ang pamahalaan. Kasama rin sa HB 4355 ang pagbawi sa pagmamay-ari sa Petron. Samantala, upang agad ding mapapababa ang napakataas na presyo, dapat ring tanggalin ang regresibo’t mapaniil na 12% VAT sa langis.
Ano ang pangmatagalang solusyon?
Ang ganap at pangmatagalang solusyon sa pagtaas ng presyo ng langis ay ang lubusang pagsasabansa sa industriya ng langis at buong sektor ng enerhiya sa Pilipinas. Binibigyang solusyon lamang ng regulasyon ang pandaraya sa presyo ng mga dayuhang monopolyo pero hindi nito tinutugunan ang pagiging lubhang palaasa ng bansa sa inaangkat na langis gayundin ang problemang nililikha ng dominasyon ng mga TNC. Tanging ang isang komprehensibong programa sa pagsasabansa ang tuluyang wawasak sa kartel, magbibigay-daan upang lubusang maharap ng Pilipinas ang paghahanap sa
mga alternatibo sa langis at mapagyaman ang lokal na rekursong enerhiya na nasa epektibong kontrol ng mga Pilipino, at magamit ito sa pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon.
Susi ang tuloy-tuloy, sama-sama, at papalaking pagkilos ng mamamayan para gapiin ang dambuhalang dayuhang monopolyo sa langis at itatag ang isang bansang may seguridad sa enerhiya at tunay na maunlad. Minsan nang pinatunayan na sa pamamagitan ng lakas ng mamamayan, napilitan ang estado na ibasura ang naunang Oil Deregulation Law noong 1997. Samantala, sa iba’t ibang bahagi ng daigdig at sa gitna ng tumitinding krisis ng imperyalismo, umiigting ang paglaban ng mamamayan laban sa pagtaas ng presyo ng langis at sa iba’t ibang epekto sa kanilang kabuhayan ng pagiging ganid sa tubo ng mga monopolyo kapitalista. Mahalagang bahagi ang ating pagkilos ng lumalaking daluyong ng mga protestang ito. #
Labanan ang pagsasamantala at pang-aabuso ng dayuhang monopolyo sa langis!
Ibasura ang Oil Deregulation Law!
Presyo ng langis, ibaba! VAT sa langis, tanggalin!
Kontrolin ang presyo at protektahan ang konsyumer at lokal na ekonomiya!
Isabatas ang House Bill 4355!
Buwagin ang kartel! Isabansa ang industriya ng langis!
Aneks
Pagtaya sa lokal na overpricing
Taya ng Bayan
Batay sa buwanang galaw ng Dubai crude at palitan ng piso’t dolyar (foreign exchange o forex), dapat ay nasa P29.14 kada litro lamang ang itinaas ng presyo (ideyal na pagtaas) ng mga produktong petrolyo mula 1999 kung susundin ang pamamaraan ng pagkwenta na ginagamit ng isa sa mga malaking kumpanya ng langis. Ayon dito, kung nasa $110 kada bariles ang Dubai crude, halimbawa, at nasa P44 ang forex, ang $1 na pagbabago sa presyo ng krudo at P1 na pagbabago sa forex ay may katumbas na P1 pagbabago sa pump price. Nag-iiba-iba ito depende sa presyo ng krudo at ng forex sa isang takdang
panahon at ikukumpara sa aktwal na galaw ng lokal na presyo sa parehong panahon. Mula Enero 1999 hanggang Enero 2012, umabot sa P37.76 kada litro ang aktwal na itinaas ng presyo ng diesel, mas mataas nang P8.61 kumpara sa P29.14 na “ideyal” na pagtaas sa parehong panahon. Samantala, ang aktwal namang itinaas ng presyo ng unleaded gasoline ay nasa P46.98 kada litro, mas malaki nang P16.83 sa “ideyal” na pagtaas. (NOTE: Ang “ideyal” na pagtaas ay di nangangahulugang ito ang makatwiran o patas na presyo, dahil nagmumula pa rin tayo sa pagsusuri na maging ang mga “benchmark” o presyo sa pandaigdigang pamilihan ay “overpriced” at manipulado ng monopolyo at
ispekulasyon. Ipinapakita lang nito na dagdag pa sa manipulasyon ng presyo sa pandaigdigang pamilihan, may nagaganap pang pang-aabuso sa presyo sa lokal na industriya. Ang pag-aabuso sa lokal na pag-presyo ay bahagi lang, at hindi kumakatawan sa kabuuan, ng abuso ng monopolyo).
Iba pang taya
Sa pag-aaral ng IBON Foundation, mas mabilis na tumataas ang lokal na presyo ng diesel nang 20% hanggang 22% kumpara sa pagtaas ng presyo ng Dubai crude sa ilalim ng deregulasyon. Ipinapakita nito ang paniningil na ginagawa ng mga lokal na kumpanya ng langis nang lampas sa “dapat” na singil alinsunod sa galaw ng pandaigdigang presyo ng krudo. Hindi kasama rito ang epekto sa lokal na presyo ng mga ipinapataw na buwis. Hindi rin nito ipinapakita ang dambuhalang tubo ng pandaigdigang kartel sa langis mula sa pagbebenta ng krudo. Sakop ng pag-aaral ang buong panahon ng kasalukuyang Oil
Deregulation Law simula noong 1999.
Sa taya naman ng noo’y pinuno ng National Economic and Development Authority (Neda) at ngayo’y Senador na si Ralph Recto, umaabot sa lampas P8 kada litro ang overpricing sa mga produktong petrolyo noong 2009. Ginamit ni Recto ang “straight-line interpolation”. Sa ilalim nito, ikinukumpara ang dalawang panahon kunsaan magkahalintulad ang presyo sa piso ng Dubai crude. Pagkatapos, ikukumpara ang lokal na presyo sa mga nasabing panahon. Halimbawa, pinagkumpara ni Recto ang presyo sa piso ng Dubai crude noong Abril 2009 (P2,408 kada bariles) na kahalintulad ng presyo nito noong pagitan ng Pebrero (P2,176) at Marso (P2,495) 2005. Ang presyo ng premium plus gasoline noong Abril 2009 ay nasa P40.85 kada litro – mas malaki nang P8.69 kumpara sa presyo nito sa pagitan
ng Pebrero at Marso 2005 na P32.16 kada litro. Ini-adjust na ang presyo noong Pebrero-Marso 2005 upang isama ang 12% VAT upang maaaring ikumpara sa presyo noong 2009. Ang VAT sa langis ay sinimulang ipatupad noon lamang Nobyembre 2005. #
DOWNLOAD PDF FILE
Comments (0)
Posted on 24 May 2008 by admin
Download PDF FILE
Comments Off
Posted on 24 January 2008 by admin
PAGBEBENTA SA PAMBANSANG PATRIMONYA SA PAKETENG TUGON SA KRISIS NG MATAAS NA PRESYO NG LANGIS
Sa atas ni Gng. Gloria Arroyo, nag-organisa ng 2008 Philippine Energy Summit ang Department of Energy (DOE) sa Enero 29-31 at Pebrero 5. Inanunsyo ito ng rehimeng Arroyo pagkatapos sumambulat ang balitang pumalo sa kauna-unahang pagkakataon sa $100 kada bariles ang pandaigdigang presyo ng langis. Kinundena ng iba’t ibang sektor, kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang Energy Summit bilang pag-aaksaya ng panahon, enerhiya, at rekurso ng gobyerno kung hindi nito tutugunan ang kagyat na problema ng mamamayan sa mataas at hindi makontrol na presyo ng langis.
Nakumpirma ang sinasabi ng Bayan at mga kritiko ng rehimeng Arroyo tungkol sa Energy Summit nang pormal nang ilabas ng DOE ang mga detalye ng nasabing aktibidad. Sa temang “$100 per barrel: Crisis or opportunity”, idinisenyo ng DOE ang Energy Summit bilang pagsama-sama ng iba’t ibang stakeholder ng industriya ng enerhiya upang pabilisin ang pagdebelop sa alternatibong panggatong (fuel) bilang tugon diumano sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa daigdig. Ayon sa DOE, oportunidad at hindi krisis ang hatid ng $100 kada bariles ng langis.
Pinaiikot ng rehimeng Arroyo ang sambayanang Pilipino na ang Energy Summit ang tugon nito sa panawagan ng mamamayan na magkaroon ng makabayan at makamamamayang reporma sa mga pambansang polisiya ng gobyerno sa industriya ng langis na nagpapalala sa mataas na presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan. Kaya habang mariing tinututulan nito ang pag-alis sa 12% value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo upang kagyat na pababain ang presyo gayundin ang pagbasura sa Oil Deregulation Law (ODL) upang kontrolin ang presyo, iginigiit naman nito ang Energy Summit bilang solusyon.
Ngunit lumalabas na ang Energy Summit ay magarbong palabas ng rehimeng Arroyo sa tuloy-tuloy nitong pagbebenta sa dayuhan ng pambansang patrimonya at rekursong enerhiya ng Pilipinas. Sa partikular, bahagi ito ng mga nakalinyang programa ng Asian Development Bank (ADB) sa bansa at ito ang nagpapaliwanag sa prominenteng papel ng bangko sa Energy Summit. Pansinin ding habang hinihikayat diumano ang partisipasyon ng NGOs at people’s organizations (POs) sa tatlong araw ng pre-summit (Enero 29-31), walang inilalabas na detalye ang DOE sa kung ano ang magaganap at sinu-sino ang sangkot sa tatlong araw na sesyon (Pebrero 1-3) sa opisina ng ADB. Sa mga sesyong ito susulatin at ipipinal ang mga “napag-usapan” daw (mga mungkahi at action agenda) sa pre-summit at syang pormal na ihaharap kay Arroyo sa summit proper sa Pebrero 5.
Energy independence
Ang katotohonan, ang Energy Summit ay bahagi ng matagal nang paghahanda ng rehimeng Arroyo sa inaasahang paglaki ng pautang galing sa mga multilateral na pampinansyang institusyon sa pangunguna ng ADB sa mga susunod na taon na nakatuon sa sektor ng alternatibong panggatong o renewable energy (RE). Layunin ng mga pautang na ito na tulungan ang bansang akitin ang pagpasok ng pribado at dayuhang pamumuhunan sa enerhiya ng bansa sa ilalim ng Medium-Term Philippine Development (MTPDP) 2004-2010. Sa temang “Energy Independence”, tinutuunan ng pansin dito ang pagpapalaki ng lokal na produksyon ng petrolyo at natural gas gayundin ang pagdedebelop ng RE gaya ng geothermal, wind, hydropower, solar, biomass, at biofuels. Sa taya ng gobyerno, aabot sa P1.42 trilyon ang kakailanganing pamumuhunan sa sektor ng enerhiya mula 2004 hanggang 2013.
Sa ilalim ng Energy Indpendence, isinusulong rehimeng Arroyo ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) o pagbebenta ng generation at transmission assets ng gobyerno sa mga lokal at dayuhang negosyo; pagpapatupad ng Biofuels Act of 2006 kunsaan ibayong kokontrolin ang mga lupaing agrikultural ng bansa ng mga dayuhang negosyante sa pakikipagsabwatan sa mga lokal na kumprador at panginoong maylupa; ang agresibong pagpapasok sa mga higanteng monopolyo kapitalista sa ekplorasyon at pagdebelop ng reserbang petrolyo at natural gas ng bansa gaya ng Malampaya, Tañon Strait, at iba pa; at ang patuloy na pagsusulong ng Renewable Energy Bill sa Kongreso upang bigyan ng fiscal incentives, preferential treatment, at iba pa ang mga negosyanteng nais mamuhunan sa RE.
Nakikipag-unahan ang rehimeng Arroyo sa iba pang atrasadong bansa sa pagpapasok ng unti-unting lumalaking dayuhang pamumuhunan sa RE. Sa byahe ni Arroyo sa Davos, Switzerland upang dumalo sa World Economic Forum (WEF) noong ikatlong linggo ng Enero 2008, nakipagpulong ito sa mga opisyal ng Aragon Financial Group (AFG), isang kumpanyang Amerikano na aktibong namumuhunan sa langis at natural gas upang ibida ang programang Energy Independence ng rehimen.
Bunga ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ng pangambang papakaunti na ang rekursong krudo ng daigdig, at kumpirmasyon ng ulat na nagaganap na ang climate change, nagiging kaakit-akit sa mga mamumuhunan ang sektor ng tinatawag na clean energy o RE. Noong 2006, halimbawa, iniulat ng United Nations Environment Programme (UNEP) na umabot sa $70.9 bilyon ang kabuuang pamumuhunang pumasok sa sektor ng RE, mas malaki nang 43% kumpara sa itinala nito noong 2005. Pinakamalaking bahagi ng nasabing pamumuhunan ang pumasok sa sub-sektor ng wind energy (38%) at sinundan ng biofuels (26%), solar (16%), biomass & waste (10%), at iba pang renewables (10%).
Papel ng mga dayuhang pampinansyang institusyon
Katuwang ng DOE sa pagdaraos ng Energy Summit ang malalaking multilateral na pampinansyang institusyon. Bukod sa ADB, katuwang din ng DOE ang World Bank, US Agency for International Development (USAID), at Japan International Cooperation Agency (JICA). Bilang mga mabisang instrumento ng imperyalismo, pinadudulas ng mga institusyong ito ang pagpasok at pandarambong ng mga dayuhang negosyo at monopolyo kapitalista sa rekurso ng mga atrasadong bansa kabilang ang mga tradisyunal na panggatong at umuusbong na RE upang patuloy na patakbuhin ang kanilang mga industriya at magkamal ng dambuhalang ganansya. Ang ADB at World Bank, halimbawa, ay mga notoryus na tagapamandila at taga-pondo ng EPIRA. Sa kabilang banda, aktibo naman ang USAID sa pagpopondo ng technical assistance programs gaya ng Philippine Energy and Environment Project upang pabilisin ang pagpapatupad ng mga reporma sa polisiya sa enerhiya ng Pilipinas.
Sa gaganaping Energy Summit, tampok ang papel ng ADB hindi lamang bilang katuwang sa programa kung hindi sa mismong pagtatakda ng direksyon nito. Katunayan, ang pinakamatataas na opisyal nito ang magbubukas ng talakayan o perspective setting sa pamamagitan ni Thomas Crouch, deputy director general ng ADB.
Mula pa noong kalagitnaan ng dekada nobenta, sinimulan nang pagtuunan ng pansin ng ADB ang ang RE sa pamamagitan ng paglulunsad ng Clean Energy and Environment Program (CE&EP). Noong 2005, inilunsad nito ang energy efficiency initiative (EEI), bilang bahagi ng pagpapatupad ng CE&EP, na naglalayong palawakin ang pamumuhunan ng naturang bangko sa sektor ng clean energy nang $1 bilyon kada taon at pagpapabilis at pagpapalaki ng pautang sa RE sa pamamagitan ng itatayong Clean Energy Financing Partnership Facility (CEFPF). Kaugnay nito, inilunsad din ng ADB ang inisyatibang Energy for All upang mamobilisa ang pamumuhunan ng mga pampinansyang institusyon at pribadong korporasyon sa sektor ng clean energy bukod pa sa programang Renewable Energy, Energy Efficiency, and Climate Change (REACH) na sinimulan noong 2002 na nakatuon naman sa mga reporma sa polisiya, merkado, at pagpipinansya.
Nitong Enero 22, 2008, inanunsyo na ng ADB ang Seed Capital Assistance Facility (SCAF), kung saan katuwang ng bangko ang UNEP, na popondohan ng $4.2 milyon grant mula sa Global Environment Facility (GEF). Palalakihin ng SCAF ang akses sa pinansya ng mga proyekto sa renewable energy at energy efficiency, partikular sa maagang bahagi nito. Sa pamamagitan ng SCAF, inaaasahang maaakit ang mas malalaking imbestor na mamuhunan sa renewable energy at energy efficiency sa rehiyong Asya-Pasipiko.
Batay sa ulat ng ADB, tinatayang lalago ang halaga ng mga proyektong may kinalaman sa renewable energy na pinopondohan nito mula $2.72 bilyon ngayong taon tungong $4.72 bilyon sa 2010, o paglago nang halos 74%. Noong isang taon, tinatayang umabot sa $3.51 bilyon ang kabuuang halaga ng mga kahalintulad na proyektong pinondohan ng ADB. Sa Pilipinas, nakalinyang pondohan ng ADB simula 2009 ang $200 milyon na Power Development Project para sa pagdebelop ng rekursong RE.
Ilantad at tutulan ang imperyalistang adyenda sa Energy Summit
Pilit binibihisan ng rehimeng Arroyo at mga imperyalistang patron nito ang Energy Summit ng makatarungan at makatwirang layunin gaya ng pagtugon sa krisis ng mataas na presyo ng langis sa kagyat, at sa medium- at long-term, sa pagtiyak sa seguridad sa enerhiya at pangangalaga sa kalikasan ng bansa. Dapat itong ilantad at tutulan.
Mahalagang tumbukin na ang mga suliraning gaya ng napakataas na presyo ng langis at climate change ay natural na bunga ng isang pandaigdigang pang-ekonomyang sistema ng produksyon at kalakalan na kinukontrol ng mga dambuhalang monopolyo kapitalista sa mga imperyalistang bansa. Ang walang katapusang paghahabol ng mga ito sa super-tubo ay nagpapatindi sa anarkistang produksyon at konsumo na ibayong nagpapalobo sa pangangailan sa tradiyunal na panggatong at nagpapaputok sa mga gerang agresyon. Ito ang mga kondisyong nagtutulak sa papatinding ispekuslayon sa suplay at presyo ng langis sa daigdig. Samantala, dahil hindi planado ang paglikha ng mga kalakal alinsunod sa aktwal na pangangailangan ng mga lipunan, binabaha ang daidigdig ng labis na kalakal at dumi na syang nagbubunga ng pagkawasak ng kalikasan gaya ng climate change.
Samakatwid, sa esensya, ang konsepto ng energy independence at pagdebelop sa mga katutubo (indigenous) at makakalikasang panggatong (fuel) gaya ng RE ay hindi mali. Susi ito sa pagtatayo ng isang tunay at pangmatagalang (sustainable) industriyalisasyon ng pambansang ekonomya. Ngunit hindi ito magaganap kung wala sa mapagpasya at epektibong kontrol ng mamamayang Pilipino, sa pamamagitan ng estadong tunay na kumakatawan sa kanila, ang pagdebelop at paggamit ng yamang enerhiya ng bansa. At ito mismo ang binabaluktot ng rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng Energy Independence program nito na lubhang nakasandig sa dayuhang kapital, teknolohiya, at merkado. At dahil nasa balangkas pa rin ng imperyalistang pandarambong para sa super-tubo, hindi nito binibigyang solusyon, bagkus ay ibayong pinalalala, ang suliranin ng mataas na presyo at pagkawasak ng kalikasan. Ito ang nasa ubod ng batayang posisyon ng Bayan na tanging ang ganap na pagsasabansa lamang ng industriya ng langis, kuryente, RE, at buong sektor ng enerhiya ang pangmatagalang solusyon sa pambansang seguridad sa enerhiya.
Sa kagyat, dapat igiit ang makatarungan at makatwirang panawagan ng mamamayan na ibaba ang presyo ng langis sa pamamagitan ng pag-alis sa 12% VAT sa mga produktong petrolyo. Mahigpit na katuwang nito ang pagkontrol sa presyo ng langis at pagtiyak na hindi nang-aabuso ang mga kumpanya ng langis sa pamamagitan ng pagbasura sa ODL at pagpapatupad ng epektibong regulasyon sa industriya.
Mga pinaghalawan ng batayang datos
Comments Off
Posted on 24 January 2008 by admin
Download PowerPoint Presentation
Comments Off