Bagong Alyansang Makabayan
Abril, 2012
Sa darating na Abril 30, magaganap ang unang pagpupulong ng mga kalihim ng Department of Foreign Affairs at Department of National Defense ng Pilipinas at mga kalihim ng US State Department at Department of Defense sa Washington upang pag-usapan ang planong dagdagan ang tropang Kano sa Pilipinas. Ang pulong na ito na tinaguriang “2 plus 2” ay nagaganap sa konteksto ng tinatawag na “rebalancing” ng pwersang militar ng US papunta sa Asya at Gitnang Silangan. Ayon sa bagong defense strategy ng US na inilabas noong Enero 3, lubhang estratehiko sa pang-ekonomiya at panseguridad na interes ng US ang Silangang Asya at Pasipiko. Isa ito sa mga larangang nais bigyang-diin ng US para maisulong ang pang-ekonomiya, pampulitika at pangmilitar na interes nito sa gitna ng tumitinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Nais ng US na mapanatili ang nangungunang posisyon nito sa rehiyon sa pamamagitan ng 1) pagkontrol sa mga pangunahing daluyan ng kalakalan tulad ng South China Sea at mga lugar na malaki ang deposito ng likas-yaman tulad ng langis at natural gas 2) sa pagpapalibot (encirclement) at pagkahon (containment) sa mga bansa tulad ng China at North Korea, 3) pagtiyak na may lunsaran ang US ng mga gerang agresyon at interbensyon. Partikular na interes ng US ang hadlangan ang paglakas ng China bilang pwersang militar sa rehiyon. Layon din ng US na palawakin pa ang lambat nito ng mga base-militar sa rehiyon para sa mas pleksible at mabilis na deployment ng mga tropa nito sa iba’t ibang panig ng rehiyon para sa iba’t ibang porma ng interbensyong militar.
Ginagamit ng US ang banta ng China sa Spratlys para bigyang-katwiran ang dagdag na tropang Kano. Pinapalabas ng US na pareho ang interes nito at ng Pilipinas pagdating sa regional security. Ang totoo ay gusto ng US na makontrol ang Spratlys at South China Sea sa pamamagitan ng mga papet na gobyerno tulad ng sa Pilipinas. Hangad ng US na makontrol ang langis at natural gas deposits na nasa pinag-aawayang teritoryo ng Spratlys. Sa usaping ng Spratlys, mahalaga na igiit ng Pilipinas ang claims nito nang hindi nadidiktahan o pinanghihimasukan ng US na may ibang interes.
Partikular sa Pilipnas, ang dagdag na tropang Kano ay nasa porma ng 1) mas madalas na military exercises, 2) mas madalas na port calls ng mga sasakyang pandigma ng US, 3) dagdag na tropang naka-istasyon sa Pilipinas sa tinatawag na “rotational deployment” (tulad ng 600 US Special Forces na 10 taon nang naka-base sa Mindanao).
Kapag natuloy ang balakin ng gobyerno ng US at PH, mistulang isang malaking US military outpost ang Pilipinas. Kahit pa sabihing hindi bubuhayin ang US military base sa Subic at Clark, malinaw na magagamit pa rin ng US ang mga pasilidad na ito nang mas madalas kumpara sa nakaraan. Sa dalas din ng mga military exercises, port calls at karagdagang rotational deployment, masasabing mistulang base-militar ng US ang buong Pilipinas. Ilang beses nang napaulat na layon ng US ang mas madalas na gamit ng dating Subic Naval Base. Hangad din ng US ang magkaroon ng pasilidad at access sa mga isla tulad ng Palawan, Cebu at Batanes.
Ang mga access arrangements at rotational deployment ay may bentahe din sa US dahil ito ay kumakaharap ng matinding fiscal crisis o kakulangan sa pondo. Ang “pagtitipid” nito kasabay ng pangangailangang mapanatili ang “power projection” nito sa rehiyon ay nagtutulak sa gobyerno ng US na maghanap ng pleksible pero epektibong paraan ng pababase sa rehiyon. Halimbawa, ang mahigit 8,000 US Marines na ililipat mula Okinawa, Japan patungong Guam ay hindi kayang lahat na makapagbase sa Guam dahil sa budget cut na $21 billion para sa base construction. Ayon sa mga ulat sa media, ang 4,000 US Marines ay kailangan ngayong i-rotate sa Hawaii, Australia at Pilipinas.
Sa pagdagdag ng tropang Kano ng US sa bansa, asahang titindi ang panghihimasok-militar sa mga internal na usapin sa bansa. Kamakailan ay inilabas sa media ang kondukta ng operasyong militar ng US at Pilipinas kaugnay ng mga hinihinalang terorista sa Sulu. Ginagamit ng US ang mga drones para sa surveillance at sa posibleng aktwal na airstrike laban sa mga target sa Pilipinas. Ang mga drones ay nasa ekslusibong kontrol ng US. Isa lang ito sa mga paraan ng tuwirang paglahok ng US sa gera sa Pilipinas. Nauna na dito ang pagsama ng mga US troops sa combat patrol at paglulunsad ng mga Civil Military Operations (CMO). Ang mga taktikang ito ay ginagamit di lamang laban sa mga hinihinalang “terorista” tulad ng Abu Sayyaf kundi pati rin sa rebolusyonaryong kilusan.
Kung tutuusin, ang dagdag na tropang Kano at pagbabase nila sa Pilipinas ay labas na sa balangkas ng Visiting Forces Agreement o VFA. Pero dahil maraming butas ang VFA – di nito isinasaad kung ilang tropa ang maaaring pumasok at hanggang kailan maaaring manatili—nagagamit ito ng US para makapag-istasyon ng tropa sa bansa nang walang taning (indefinite). Ang VFA ay binibigyang-katwiran ng mas masaklaw na kasunduang militar, ang RP-US Mutual Defense Treaty, na tinitingnang pundasyon ng relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas. May ilang beses nang nagpahiwatig ang US na nais nitong pasaklawin ang MDT, hindi lamang sa usapin ng external na atake sa Pilipinas kundi maging sa mga internal na usapin gaya ng terorismo at disaster response.
Ang pagdagdag at pagpapalawak ng presensyang militar ng US sa Pilipinas ay estratehikong hakbang ng imperyalismong US para higit na mapanatili ang kontrol nito sa rehiyon sa kabila ng paghihingalo nito bunga ng krisis. Hangad ng US ang pangmatagalan, tuluy-tuloy at permanentng presensyang militar sa ating bansa para makapaglunsad ito ng interbensyon sa Pilipinas at sa rehiyon at para makontrol nito ang mga likas-yaman at daluyan ng kalakalan sa rehiyon. Sistematiko nitong babaligtarin ang mga naging tagumpay ng mamamayan sa pagpapatalsik ng mga base-militar ng Kano noong 1991. Mananatili itong isang di maitatangging marka ng pangangayupapa ng gobyerno ng Pilipinas sa US.
Sa pagpayag ni Aquino sa imposisyon ng US, ipinapakita niya na mas masahol pa siya kay Arroyo kung patakarang panlabas ang pag-uusapan. Ibinubukas ni Aquino ang Pilipinas sa walang-taning na presensyang militar ng US at sa ibayong panghihimasok sa mga internal na usapin sa bansa. Kahungkagan ang sinasabi ni Aquino na ang pagpayag sa dagdag na tropang Kano ay magdudulot ng dagdag na kagamitang militar mula sa US at modernisasyon ng AFP. Sa tinagal-tagal ng pag-iral ng MDT, Military Bases Agreement at VFA, tanging mga pinaglumaang kagamitan ang natanggap ng Pilipinas mula sa US.
Patriyotikong tungkulin ng mga Pilipino ang paglaban sa permanenteng presensya at interbensyong militar ng US sa Pilipinas. Hindi magiging tunay na malaya ang ating bayan hangga’t nananatili ang dayuhang tropang militar sa ating lupain. Dapat nang wakasan ang mga di-pantay na kasunduan sa pagitan ng US at Piipinas. Dapat nang palayasin ang mga tropang Kano na nakabase sa Pilipinas. Ipaglaban natin ang ganap na kalayaan mula sa imperyalistang dikta at panghihimasok. #